BAGAMA’T panahon ng taglugon o molting season ngayon ng mga may edad na tinale o cock ay tuloy-tuloy pa rin ang maaksiyon na bakbakan sa gitna ng ruweda dahil sa early bird’ stag derbies na nauuso na ngayon saan mang lupalop ng bansa.
Ang early bird ay ang mga sisiw na papisa sa buwan ng Oktubre hanggang Disyembre.
Unang pinauso ang early stag derbies ng A-CUP sa Davao ng magkapatid na Bebot at Chongkee Uy at Tata Sala. Kalaanunan ay ginaya na rin ito ng BNTV Cup, Luzon Gamecock Breeder’s Association (LGBA) at FIGBA o International Federation of Gamefowl Breeder’s Association.
“Sa Davao namin napulot ang idea at nakipag-usap kami sa magkapatid na Chongkee at Bebot Uy, pati na kay Tata Sala about the A-CUP na kinopya namin for Luzon. Si Shanghai Joe naman ang nag-suggest sa amin na i-adopt itong period na ito,” ani BNTV Cup organizer at Bakbakan Na TV host Joey Sy.
“Sa panahon ng taglugon inuso nating mga Filipino ang maglaban ng stags. Kami naman sa BNTV CUP ay inagahan pa ang tiyempo ng labanan para kumpleto ng 12 months ay makapagdibersiyon tayo at ang mga tao sa sabong umaasa ng hanapbuhay ay tuloy-tuloy ang kita,” dagdag pa niya.
Sinasabing mas matitibay ang early bird stags dahil ‘di halos dumaan sa sakit ang mga ito. Mas madali kasing dapuan ng kung ano-anong sakit ang ating mga sisiw sa panahon ng tag-ulan, nagkakasipon sila.
“What is important to new and upcoming breeders survivability ng chicks to staghood ay mataas, or another way of putting it, mas mababa mortality ng birds born ng October and November dahil sa tiyempo ng panahon,” ani Joey.
“Ang magkasisiw ng Oktubre at Nobyembre mauulanan sila ng June pitong buwan na ang edad nila. Hindi prone sa sipon, ‘di kagaya ng January at February born na sisiw edad ng 4 to 5 months ay mauulanan sipunin at mataas ang mortality,” aniya.
Napaka-popular ng stag derbies sa atin dahil maski maliit ka lang na breeder ay kaya mong sumabay at lumaban sa gitna sa malalaking breeders. Sa istagan kasi ay walong buwan pa lang ay masusubukan mo na kung uubra ba ang palahi mo.
Sa cock derby kasi, bukod sa magastos na, mahabang panahon pa ang iyong igugugol rito para makapagpagulang ng manok.
“Mahaba ang panahon na gugugulin sa pagpapagulang ng cocks na 2 to 3 years old para mailaban sa maliliit na derbies, at 3 to 4 years old para sa big events. Sa stagan 8 months pa lang mailalaban mo na,” ani joey.
Sa stagan kasi kahit maliit na breeder ka lang kaya mong competitive o makipagsabayan sa mga bigtime breeder. Mas angkop sa stag fighting ang mga breeder na maliit lamang ang kanilang espasyo dahil kung magpapalugon ka ng manok ay kailangan mo ng maayos at maluwag na puwesto para rito.
“Ang space kasi ng maliliit na breeders at backyard breeders ay maliit kaya mas bagay ang stag fighting. Tapos lumaban sa BNTV Cup. Sa maliit na puhunan ay nakaraos ang hilig. Kaya may bago na naman kaming innovation. Sa elimination round, kapag 92 entries ang sumali ay naglalagay kami ng day champion na P1,000 per entry or P92,000 na pinaghahati-hatian ng mga naka-2 points,” ani Joey.
Ayon kay Joey, may advantage ang mga maliliit na breeder sa mga bigtime breeder dahil mas natututukan nila ang kanilang alagang manok. Sa madaling sabi, kapag ilang piraso lang ang alaga mo, mas nahihipo mo at naibibitaw sila nang madalas kung kaya mas nakikita mo ang potential ng isang manok.
“Napaka-popular ng stag derbies dahil kahit maliit na breeder ka lang ay pantay-pantay ang tsansa ng panalo dahil pare-pareho ang edad ng mga manok. May advantage kasi ang big boys na nakapag-ipon ng magugulang na manok at mga multiple-time winner dahil sa laki ng kanilang farms at dami ng alaga.”
“Dito sa stagan kahit kaunti lang ang alaga mo puwede kang manalo. Kaparis ng ipinanalo ng tatlong backyard breeders ng Bulacan na nagsama-sama ng tig-tatlong manok na nanalo sa Bakbakan Derby sa Araneta noong 2008,” dagdag pa niya.
Aniya pa, layon ng BNTV CUP na mabigyan ng pagkakataon ang mga maliliit na breeder at sabungero na lumaban sa gitna sa abot-kayang entry fee at parada.
Nagba-banding ang BNTV mula Enero 3 hanggang Enero 17.
Ang BNTV Cup ay suportado nina Ricky Castillo ng LDI at Mayor Nene Aguilar at ng Thunderbird bilang sponsor.
Ikinasa ang two-day eliminations ng 2019 BNTV Cup 9-stag national derby noong Lunes at Martes, Hulyo 1 at 2, sa makasaysayang Smart Coliseum.
Ang naturang torneo ay may garantisadong premyo na P10,000,000 para sa maliit na entry fee na P6,600 lamang at minimum bet na P3,300.
Gaganapin naman sa Hulyo 11 ang ‘straight 5’ na labanan sa New Dauis Cockpit Arena, Bohol na susundan ng mga regular na 2-stag elims sa mga sumusunod na lugar at petsa : Hulyo 19 – New Tarlac Coliseum, Tarlac; Hulyo 23 – San Roque Cockpit Arena, Bulacan; Hulyo 24 – San Juan Coliseum; Hulyo 25 – Abucay Cockpit, Bataan; Hulyo 30 – Texas Cockpit Arena, Antipolo, Rizal; Hulyo 30 – Imus Sports Arena, Cavite at Hulyo 31 – Edward’s Coliseum sa Nueva Ecija.
Nakatakda naman sa Hulyo 23 hanggang Hulyo 27 ang limang araw na magkakasunod na eliminasyon sa Manila Cockers’ Club sa Carmona, Cavite.
Sisiyapol naman ang 4-stag grand finals sa Smart Araneta Coliseum sa Setyembre 19.
Comments are closed.