KAPOS pa rin ang bilang ng mga coronavirus disease 2019 (COVID-19) testing centers sa bansa,ayon kay Philippine Medical Association (PMA) president Jose Santiago Jr., MD.
Ayon kay Dr. Santiago, kinakailangan pa ng bansa na makapagsagawa ng mas maraming testing upang mapabilis ang diagnosis ng mga taong infected ng virus.
Kaugnay nito, nananawagan si Santiago na mapabilis pa ang pagbibigay ng Department of Health (DOH) ng approval at sertipikasyon sa mga nag-aaplay na laboratoryo para mapaigting pa ang isinasagawang mass testing sa bansa.
Sinabi ni Santiago na may 74 laboratoryo ang nag-aaplay sa DOH upang maging certified COVID-19 testing centers, ngunit nakabinbin pa ang aplikasyon ng mga ito.
Inirekomenda naman ng PMA na magkaroon ng early testing at treatment ang mga health worker bunsod matapos na umabot sa 30 sa kanila ang namatay nang mahawa sa sakit.
Ang mungkahi ay kasunod naman ng pagdami na rin ng mga supply ng personal protective equipment.
Sinabi rin ni Santiago na mayroon silang sistema upang hindi maubos ang kanilang testing kits. ANA ROSARIO HERNANDEZ/BENEDICT ABAYGAR
Comments are closed.