EARLY VOTING BILL PARA SA SENIOR CITIZENS, PWDs, LUSOT NA SA KONGRESO

Rodolfo Ordanes

INAPRUBAHAN na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa ikatlo at pinal na pagdinig ang House Bill 9562 na nag-tatakda sa ‘early voting’ ng mga senior citizen at ‘persons with disability (PWDs)’.

Sinabi ni Senior Citizen Party-list Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes na malaking bagay ang pagkaka-apruba ng batas para sa  seniors at PWDs na hindi na kaila­ngang makipagsiksikan sa maraming tao sa araw ng halalan.

“On behalf of the millions of senior citizens, as well as the millions more PWD citizens, I thank all my colleagues in the House of Representatives for approving on third and final reading House Bill 9562 allowing early vo­ting for seniors and PWDs in national and local elections,” ayon kay Ordanes.

Sa ilalim ng Section 2 ng HB 9562, papayagan na makaboto ang mga kuwalipikadong senior citizen at PWDs sa mga itinalagang voting precincts ng Commission on Elections (Comelec) pitong araw bago ang aktuwal na halalan.

Sa kabila nito, batid ni Ordanes na kapos na sa oras sa ilalim ng ‘legislative calendar’ at ‘timetable’ ng Comelec  dagdag pa ang restriksyon dulot ng COVID-19.  Ngunit nananalangin umano siya na ganap na magiging batas ang HB 9562 bago sumapit ang Mayo 2022.

“I will do my best to convince the senators to support this bill in their chamber,” pahayag pa ni Ordanes na siya ring Chairman ng Committee on Senior Citizens.

“Perhaps Malacanang can deem it necessary to make HB 9562 a certified urgent bill. I can only hope and pray. I still believe in miracles,” dagdag pa ng mambabatas.

Sakaling hindi umabot sa oras, sinabi ni Ordanes na may umiiral naman na mga panuntunan ang Comelec para sa kagalingan ng mga senior at PWDs.  Dito umaapela siya sa Comelec na gawing mas madali para sa seniors at PWDs ang darating na halalan sa Mayo 2022 base sa mga umiiral na panuntunan ng pamahalaan.

7 thoughts on “EARLY VOTING BILL PARA SA SENIOR CITIZENS, PWDs, LUSOT NA SA KONGRESO”

Comments are closed.