ALAM ba ninyo na umaabot sa 11.2 bilyong tonelada ng basura sa buong mundo ay galing sa mga gift wrapper taon-taon? Nakakagulat, hindi ba? Ngayong Pasko, habang tayo ay nagkakasayahan, huwag sana nating kalimutan na maging eco-friendly pa rin sa ating mga desisyon at aktibidad dahil lahat ng ating kilos ay palaging may epekto sa kalikasan. Pumili tayo ng mga pambalot ng regalo na puwedeng magamit ulit at hindi nakakapinsala sa ating planeta. Halimbawa, puwedeng gumamit ng tela o scarf, kraft paper, recycled paper, o ecobag.
Sa pagpili naman ng regalo, mas mainam kung ito ay gawang-kamay natin. Halimbawa, handmade soap o kandila, greeting card, baked goods, mga trinkets gaya ng pulseras at kwintas, mga tinahing kasuotan, drawings o paintings, at marami pang iba. Pero kung nais bumili, suportahan natin ang mga locally-made products at ‘yung kakaunti at sustainable ang packaging.
Puwede rin namang magbigay ng non-material gifts, halimbawa ay pamamasyal o pag-travel, panonood ng konsiyerto o anumang show, pagpi-picnic o pagkain sa paboritong restaurant, at marami pang iba.
Mapapansin din natin ang pagbigat ng traffic sa kalsada tuwing panahon ng Kapaskuhan. Puwede tayong makatulong dito— mag-carpool kung may lakad, o kaya naman ay lakarin na lang kung malapit lang naman ang pupuntahan. Pwede ring gumamit ng public transportation o bisikleta para makabawas din sa carbon footprint at energy expenditure.
Panghuli, marami ring pagkain ang nasasayang mula sa mga pagdiriwang. Siguraduhin natin na nakaplanong mabuti ang mga lulutuin at ihahanda upang matiyak na walang sobra at walang pagkaing masisira. Kung hindi maiiwasan ang tira, pwedeng i-donate ang mga ito kung malinis at maayos pa ang mga pagkain. Ang iba naman ay pwedeng i-compost imbes na itapon nang diretso sa basurahan.