ECONOMIC CHA-CHA MAGPAPASOK NG BILYONG PISONG INVESTMENT

Joey Sarte Salceda

ANG panukalang pag-amyenda sa ‘economic provisions’ ng Saligang Batas ay aakit ng marami at malalaking dayuhang mamumuhunan at lilikha ng mga trabaho sa Pilipinas, sa halip na ipinadadala ang mga manggawang Pinoy sa ibang bansa.

Ito ang pahayag ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda, ‘House Ways and Means Committee chairman. Ang panukala ay nakapaloob sa ‘Resolu-tion of Both Houses (RBH) No. 2 ng Kamara at Senado. Kasalukuyand tinatalakay  at nagkakaisang isinusulong ng karamihan sa mga mamba-batas ng lehislatura.

Binigyang diin ni Salceda na tama ang panukalang pag-amyenda sa ‘economic provision’ ng Konstitusyon o ‘economic Cha-cha.’ “Bilyong piso na ang nalugi natin na dapat ay nalikom na buwis, dahil sa sobrang mga nakasasakal ng probisyon ng ating Saligang Batas na madali na-man sanang lunasan sa pamamagitan ng akmang batas na magbubukas ng mga industriya sa dayuhang pamumuhunan,” giit niya sa talakayan ng RBH No. 2 kamakailan.

Ipinaliwanag nito na aalisin ng panukalang amyenda ang sobrang nakasasakal na pagbabawal sa pagpasok ng mga dayuhang pamumuhunan sa bansa. Kung mapagtitibay ang panukalang amyenda ngayong taon, tinatayang mga P211.21 bilyong ‘foreign direct investments’ (FDI) ang papasok kaagad sa bansa, katumbas ng 0.55% dagdag na ‘gross domestic product’ (GDP) na lilikha ng mga  422,470 trabaho  sa 2022.

“Kasama ang Pilipinas sa sobrang mahigpit na mga bansa sa pagpasok ng FDI, ayon sa 2018 ‘Organization for Economic Co-operation and Development (OECD) FDI stimulus index report,’” puna ni Salceda. Sa naturang taon, nagtala ang bansa ng 0.374 sa OECD FDI Regulatory Restrictiveness Index, na pinakamataas sa lahat ng bansang sinuri noon.

OECD

Sa mga bansang kasapi ng ASEAN, Singapore ang may pinakamaluwag na ekonomiya at nagtala ng 0.048 FDI Index noong 2018. Sumunod dito ang Cambodia (0.054), Myanmar (0.117), Vietnam (0.130), Brunei (0.146), Laos (0.190), Malaysia (0.252), Thailand (0.268), at Indonesia (0.345).

Sinusukat ng OECD FDI Index ang mga batas na naghihigpit sa FDI sa 22 ‘economic sectors’ kasama ang 1) limitasyon sa ‘foreign equity;’ 2) mga pamantayan sa pagpili ng dayuhang pamumuhunan; 3) pagbabawal sa paghirang ng dayuhang mga empleyado; at 4) iba pang mga pagbabawal gaya ng pagbukas ng mga sangay ng negosyo, pagbalik ng puhunan sa pinanggalingan, at pag-aari ng lupa ng mga kompanyang banyaga.

Tinitimbang ang FDI Index na binibigyan ng halagang 0 para sa mga bukas, hanggang 1 para sa mga mahigpit o saradong ekonomiya. Ang pangkabuuang timbang nito ay batay sa ‘average’ na timbang sa lahat na sektor.

Ginamit ni Salceda ang “dynamic stochastic general equilibrium (DSGE) model” sa pagsuri sa magiging epekto sa pambansang ekonomiya ng panukalang amyenda. Isa itong pamamaraan sa ‘macro-economics’ sa pagsusuri ng mga kaganapan sa ekonomiya gaya ng pagsulong nito, pag-ikot ng  negosyo, at epekto ng mga panuntunang pang-ekonomiya, sa pamamagitan ng mga ‘econometric models’ batay sa ‘applied general equilibrium theory’ at  micro-economic principles.’

Si Salceda ay isang respetadong ekonomistang inihalal ng mga ‘foreign fund managers’ bilang ‘Best Economic Analyst’ sa taunang ‘survey’ ng Asiamoney noong 1995, at ‘Best Economist’ sa magkakasunod na taon mula noong 1993 hanggang 1996. Sinabi niyang higit pang maganda ang magiging epekto ng ‘econonic Cha-cha’ kaysa sa magiging bunga ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act na siya rin ang bumalangkas.

Kung maipapasa ang mga amyendang nakapaloob sa RBH No. 2, tinataya ni Salceda na sa loob ng 10 taon, mula 2021 hanggang 2031, lalago ng mga P330.45 bilyon ang FDI taon-taon at magtatala ng 1.86% taunang pagsulong ang GDP na lilikha ng mga 660,897 bagong makabuluhang mga trabaho.

Comments are closed.