INAASAHAN ang pagbagal ng paglago ng ekonomiya ng bansa sa first semester ng taon dahil sa naranasang El Niño phenomenon.
Ayon kay National Economic Development Authority (NEDA) Undersecretary Adoration Navarro, maraming pananim ang nasira dulot ng matinding tagtuyot.
Sa ulat ng Department of Agriculture (DA), sa kasalukuyan ay umaabot na sa halos P8 billion ang halaga ng pinsala ng El Niño sa mga pananim at fisheries, at nakaapekto sa may 247,610 magsasaka at 227,889 ektaryang lupain sa buong bansa.
Sinabi ni DA Undersecretary Ariel Cayanan na ang total production loss sa rice sector ay nasa P4.04 billion, at nakaapekto sa mahigit 140,000 magsasaka at mahigit sa 140,000 ektaryang lupain.
Ang damage at losses sa corn industry ay pumalo naman sa P3.89 billion, at nakaapekto sa mahigit sa 105,000 magsasaka at mahigit sa 133,000 ektaryang lupain.
“So easily, you will identify that the staple food – I’m referring to rice and corn – rice as our staple food and corn being the food and the feed crop ay malaki po ang naging epekto,” wika ni Cayanan sa weekly economic briefing sa Malacañang.
Samantala, ang production loss sa high-value crops at fisheries ay umabot sa P27.8 million at P12.4 million, ayon sa pagka-kasunod.
Gayunman, sinabi ni Navarro na kumpiyansa ang NEDA na maaabot pa rin ng Filipinas ang 6 hanggang 7 porsiyentong Gross Domestic Product o GDP growth rate target para sa taong 2019.
Aniya, may ginagawa nang mga hakbang ang gobyerno para tugunan ang problema sa El Niño.
Isa na rito ang pagpapatupad ng catch up plans na tinututukan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Transportation (DOTr).
Comments are closed.