ECONOMIC GROWTH BUMAGAL

ECONOMIC GROWTH

PAWANG lumago ang lahat ng lokal na ekonomiya sa 17 rehiyon sa bansa noong 2018, bagama’t mahigit sa kalahati ng mga ito ay bumagal ang pag-unlad sa gitna ng pagtaas ng inflation.

Sa report ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang walong rehiyon na nagtala ng mas mabilis na gross regional domestic product (GRDP) growth noong 2018 ay ang Bicol Region (8.9 percent), Mimaropa (8.6 percent), Central Visayas (7.6 percent), Calabarzon (7.3 percent), Northern Min-danao (7 percent), Ilocos Region (6.5 percent), Zamboanga Peninsula (6.3 percent), at Eastern Visayas (5.9 percent).

Ang siyam naman na rehiyon na bumagal ang 2018 GRDP growth rates kumpara noong 2017 ay kinabibilangan ng Davao Region (8.6 percent), Cordillera Administrative Region (CAR) (7.3 percent), Autonomous Region in Muslim Min­danao  (ARMM) (7.2 percent), Central Luzon (7.1 percent), Soccsksargen (6.9 percent), Western Visayas (6.1 percent), National Capital Region (4.8 percent), Cagayan Valley (3.3 percent), at Caraga (3.2 percent).

Noong 2018, ang gross domestic product (GDP) ng bansa ay lumago ng 6.2 percent, isang three-year low, makaraang pumalo ang inflation sa 10-year high na 5.2 percent.

Sa datos ng PSA ay lumitaw rin na ang NCR ang bumubuo sa 36 percent ng  Philippine economy noong 2018, sumusunod ang Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Que­zon) na may 17 percent at Central Luzon na may 9.8 percent.

Ang NCR ay nag-ambag ng 1.8 percentage points sa 6.2 percent GDP growth ng bansa noong nakaraang taon. Ang Calabarzon ay may 1.2 points habang ang Central Luzon ay may 0.7 point.