ECONOMIC GROWTH BUMAGAL, 5.5% SA SECOND QUARTER

ECONOMIC GROWTH-2

LUMAGO ang ekonomiya ng Filipinas ng 5.5% sa second quarter ng taon, mas mabagal sa 5.6% sa first quarter ng 2019 at sa 6.2% sa second quarter ng 2018, ayon sa datos na ipinalabas ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Ito ang pinakamabagal sa loob ng apat na taon magmula nang lumago ang gross domestic product (GDP)  ng 5.1% sa first quar-ter ng 2015.

“As reported by the Phi­lippine Statistics Authority, the Philippine economy grew 5.5 percent in the second quarter of 2019, the country’s lowest growth outturn in 17 quarters,” wika ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia.

Sa major economic sectors, ang services ang nagtala ng pinakamabilis na paglago sa 7.1%. Ang industry ay lumago ng 3.7%, habang ang agriculture, hunting, forestry at fishing ay nasa 0.6%.

Umaasa si Pernia na mas aangat ang sektor ng agrikultura sa ilalim ng bagong pamumuno ni Secretary William Dar.

Ayon kay Pernia, nakaapekto sa ekonomiya ang El Niño phenomenon, gayundin ang election ban sa construction activities sa kaagahan ng taon.

Ang El Niño ang responsable sa pagbaba ng output ng water-sensitive crops tulad ng palay, na bumaba ng 5.5%, at mais ng 8.4%.

Tinukoy rin ng opisyal ang pagkakaantala sa pagpasa sa 2019 national budget na dahilan ng pagbagal ng paglago ng ekonomiya.

“This weak economic performance during the second quarter of 2019 is the continuing effect of that delay in the passage of the 2019 budget, coupled with the election ban,” aniya.

Nabigo ang Kongreso na ipasa sa oras ang 2019 budget, at napirmahan lamang ni Presidente Rodrigo Duterte ang General Ap-propriations Act noong Abril.

Upang maabot ng gob­yerno ang low-end para sa kasalukuyang taong growth target ay kailangang lumago ang ekonomiya  ng average na 6.4% sa second half ng taon.

Ani Pernia, makatutulong ang pagpapabilis ng gobyerno sa implementasyon ng mga infrastructure program at agarang pagsasa-batas ng mga priority measure ng Malakanyang, kabilang na ang Trabaho Bill, pag-amyenda sa Foreign Investment Act, Public Service Act, Retail Trade Liberalization Act, at ang nirebisang Security of Tenure bill.  EVELYN QUIROZ

Comments are closed.