NAGKAKAISANG isusulong ng economic team ng administrasyong Duterte ang implementasyon ng Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Sa pangunguna ni Budget Secretary Benjamin Diokno, kasama sina Socio Economic Planning Secretary Ernesto Pernia at Finance Secretary Carlos Dominguez III, ay nagpalabas sila ng joint statement upang igiiit ang kahalagahan ng implementasyon ng TRAIN Law at pagkontra sa hinihiling na suspensiyon ng ilang sektor.
“Suspending TRAIN and adopting other band-aid solutions will only have a minimal and short-term impact on inflation and will stifle our growth, further delaying our nation’s progress toward becoming an upper-middle-income country by 2019, such that around six million Filipinos would be lifted out of poverty by 2022,” nakasaad sa binasang joint statement ni Diokno.
Ayon kay Diokno, ang inflation rate ay pumalo sa 4.6 porsiyento noong nakaraang buwan dahil na rin sa mas mataas na presyo ng bigas, isda, tobacco at personal transport kumpara sa inflation rate noong Abril na nasa 4.5 porsiyento at noong Mayo 2017 na nasa 2.9 porsiyento lamang.
“We must keep in mind that TRAIN reformed a previously unfair and harsh tax regime,” giit ni Diokno.
Subalit, nilinaw ni Diokno na ang mataas na personal transport prices ay bunsod na rin ng patuloy na pagsipa ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.
Gayunman, ang epekto, aniya, ng excise taxes sa mga produktong petrolyo, sweetened beverages, at tobacco sa ilalim ng TRAIN Law ay nananatiling nasa 0.4 percentage points parehas lamang noong Abril na katumbas ng 9 sentimos sa kada karagdagang piso dulot ng inflation.
Tiniyak ni Diokno na ginagawa ng Department of Energy (DOE) at Department of Trade and Industry (DTI) ang lahat upang maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ayon pa kay Diokno, hihilingin din ng economic team kay Pangulong Rodrigo Duterte na sertipikahan ang agarang pagsasabatas ng Rice Tarrification bill upang matugunan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain, partikular ang bigas.
Sa sandaling maisabatas ito ay umaasa si Diokno na bababa ang inflation ng tinatayang 0.4 percentage points sa third quarter, base na rin sa pagtaya ng Bangko Sentral ng Pilpinas (BSP). EVELYN QUIROZ
Comments are closed.