ECONOMY LALAGO NG 7% SA Q4

KUMPIYANSA ang mga economic ma­nager ng administrasyong Duterte na lalago ang ekonomiya ng bansa ng 7 percent sa fourth quarter ng 2018.

Ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno, ang fiscal at consumer spending, gayundin ang services sector, ang growth drivers sa huling tatlong buwan ng 2018.

“Fourth quarter GDP will be in the neighborhood of 7 percent,” wika ni  Diokno sa isang media forum, kung saan tinukoy niya ang projections na ibinigay ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia.

“If we hit 7 percent that will make the full year GDP at about 6.5. It will reach the lower end of our revised forecast of 6.5 to 6.9,” anang DBM chief.

Nakatakdang ipalabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang fourth quarter 2018 at full year GDP print ngayong araw.

Mas mababa naman dito ang pagtataya ng mga economist.

Ayon sa mga ekonomista, walang dudang lumago ang ekonomiya ng Filipinas noong 2018, subalit hindi kasing taas ng tina-target ng pamahalaan.

Karamihan sa mga ekonomista ay umaasang ang gross domestic product (GDP) ay mas mababa sa revised target ng gobyerno na 6.5 hanggang 6.9 percent.

Bagama’t maaaring hindi matamo ang orihinal na target na 7 hanggang 8 porsiyentong paglago sa ekonomiya, sinabi ni Diokno na mananatili pa ring kabilang ang Filipinas sa ‘fastest growing economies’ sa rehiyon.

Samantala, ibinaba ng PSA ang economic growth ng bansa sa third quarter ng 2018.

“The third quarter 2018 gross domestic product (GDP) growth was revised down to 6.0 percent from 6.1 percent,” wika ng PSA.

Ayon sa PSA, ang pagbaba ay dahil sa downward revisions sa manufacturing; trade and repair of motor vehicles, motorcycles, personal at household goods; at financial intermediation.

Bukod dito, binago rin ng PSA ang gross national income— ang total output ng mga Filipino resident—sa 5.8 percent mula sa 6.0 percent.

Comments are closed.