WALA na umanong saysay ang 1986 Edsa People Power.
Ito ang ipinahayag ng dating alkalde sa bayan ng Kalibo, Aklan na si William Lachica, ang itinuturing na paboritong pamangkin ng namayapang arsobispo ng Maynila na si Jaime Lachica Cardinal Sin.
Ayon kay Lachica, walang saysay ang Edsa peoples revolt dahil hindi naman ito aniya na nakatulong para dalhin ang bansa sa tunay na pag-unlad at pagbabago.
Sa ipinalabas na pahayag sa media, ipinaalam nito sa publiko ang kanyang masigasig na tagasuporta ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Tiniyak ni Lachica na ang mapait na karanasan ng bansa na dulot ng Edsa ay siyang dapat magbibigay aral din na ang totoong pagkakaisa lamang ang tunay na daan upang umunlad ang bansa.
Giit pa nito na kumbinsido siya na kung buhay ang kanyang tiyuhin na si Archbishop Cardinal Sin ay nanaisin din nitong yakapin ang panawagang ‘unity’ ni Marcos, sa halip na pagkakawatak-watak ng mga Filipino sa sariling bansa.
“Kung buhay si Cardinal Sin ‘yun din ang kanyang magiging hangarin niya, na magkaisa ang mga tao at kalimutan na ang pagkakawatak-watak dahil sa pulitika. Napakahaba ng mahigit 30 taon at nakita naman nating halos walang nangyari sa bayan natin,” pahayag ni Lachica.
Idinagdag nitong kasaysayan na lang din ang makapagsasabi kung tama ba o hindi ang naging desisyon ni Cardinal Sin noong panahon ng 1986 edsa revolt.
Si Lachica ay mahigit 20-taong gulang pa lamang noon nang mangyari ang Edsa Revolution na kung saan si Cardinal Sin ang isa sa mga nanguna sa panawagan ng mapayapang Edsa People power na dahilan sa pagpapatalsik kay dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
“Iba talaga sa panahon nu’ng matandang Marcos. Nakikita mo ang pag-unlad na malayong-malayo sa nangyayari ngayon. Kaya naman nung pumasok ako sa pulitika marami akong kinopya sa kanyang pamamalakad dito sa aming probinsya,” saad pa nito.
Pero inamin ni Lachica na noong una’y may ilan din sa kanilang pamilya ang kumontra, lalo’t batid nila ang malaking ambag ng tiyuhin sa pagpapatalsik sa dating Pangulong Marcos, ngunit kalaunan ay napagtanto rin nila na ang ama ni Bongbong ang pinakamagaling na naging presidente ng bansa.
Ang lolo ni Lachica ay kapatid ng nanay ni Cardinal Sin.
Sa darating na araw ng Biyernes, Pebrero 25 ang paggunita sa ika 36-taong anibersaryo ng EDSA People Power.