AAPELA ang Commission on Higher Education (CHED) sa Department of Finance upang hindi mabawasan ang kanilang pondo sa sandaling ipatupad ang suspensiyon ng excise tax sa oil products sa Enero sa susunod na taon.
Sa ginanap na press briefing sa Malakanyang, sinabi ni CHED officer-in-charge executive director Atty. Cinderella Jaro na tututukan nila ang DOF at pakikiusapan para hindi maapektuhan ang pondong nakalaan sa CHED.
Bagamat walang nakuhang pagtiyak mula sa DOF ay nangako naman itong bibigyang prayoridad ang hiling ng CHED.
Aabot sa tinatayang 41-bilyong piso ang mawawala sa kaban ng bayan sa sandaling ipatupad ang suspensiyon ng ex-cise tax sa oil products at 30 porsiyento ng naturang halaga ang maibabawas sa mga non-infrastructure projects.
Samantala, tiniyak ng CHED na hindi susupilin ang academic freedom at freedom of expression sa mga eskuwelahan sa bansa.
Ito ay sa kabila ng pahayag ng Armed Forces of the Philippines na 18 eskuwelahan sa Metro Manila ang ginagamit na pang-recruit ng mga rebeldeng grupo na idinawit sa tinaguriang “Red October Plot” o tangkang pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Tiniyak ni Jaro na walang crackdown sa academic freedom gaya na lamang ng pagsasagawa ng kilos protesta ng mga estudyante.
Sa ngayon ay wala pa ring komunikasyon ang AFP sa CHED kaugnay sa pagdadawit sa 10 eskuwelahan sa mga komunistang grupo.
‘The commission recognizes academic freedom, freedom of expression among state universities and of course among students,” sabi pa ni Jaro. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.