Pagbati sa minamahal nating kampeon ng bilyar, ang itinuturing na GOAT (Greatest Of All Time) sa larangan ng bilyar at pool sa buong mundo, The Magician Efren “Bata” Reyes! Noong Lunes, ika-26 ng Agosto, ay ipinagdiwang ni Efren ang kanyang ika-70 kaarawan. Hindi matatawaran ang mga karangalan na ibinigay ni Efren sa bansang Pilipinas, lalo na noong nasa rurok siya ng kasikatan. Hanggang ngayon ay napakarami pa ring humahanga sa kampeon, hindi lamang dito kundi sa buong daigdig. Bagama’t limitado na ang kanyang mga laro at kalimitan ay exhibition games na lamang ang kanyang pinauunlakan, kaliwa’t kanan pa rin ang imbitasyon kay Efren sapagkat matingkad na matingkad pa rin ang ningning ng kanyang bituin.
Sa panahong gaya ngayon na mainit ang usapan tungkol sa mga karangalang ibinibigay ng mga atleta sa ating bansa pagkatapos ng pagkapanalo sa mga pandaigdigang kompetisyon, huwag sana nating kalimutan ang dangal na inihatid sa atin ng ating mga worldclass champions na gaya ni Efren “Bata” Reyes. Sumusunod din sa kanyang yapak sina Django Bustamante, Dennis Orcollo, Carlo Biado, Alex Pagulayan, Anton Raga, at iba pa.
Lahat sila ay naghatid ng karangalan sa ating mga Pilipino dahil sa kanilang galing sa napiling sport. Patuloy na nagpupugay ang bayang Pilipinas hindi lamang kay Efren at mga atletang nabanggit, kundi pati na rin sa mga Pinoy na atletang lumaban sa ibang sport sa ngalan ng bayan.
Sa kaarawan ni Efren, mainam na balikan ang isang bagay na lagi niyang bilin sa mga bilyaristang nais sumunod sa kanyang yapak: Mag-aral mabuti at huwag iwanan ang pag-aaral sa ngalan ng pangarap na makapaglaro. Alagaan ang katawan at huwag gumawa ng anumang bagay na sisira sa kalusugan.
Mabuhay ka, Efren “Bata” Reyes! Isa kang bayaning Pilipino na dapat pamarisan at ipagmalaki!