MAGANDA ang inaasahan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at ng Bureau of Customs (BOC) sa pagsipa ng mga negosyo sa bansa sa susunod na taon.
Ayon sa Development Budget Coordinating Committee (DBCC), bagama’t bagsak ang koleksiyon sa buwis ng BIR at BOC, makababawi ang mga ito sa 2019 para matugunan ang pet project ni Pangulong Rodrigo Duterte na ‘Build Build Build’ na kasalukuyan nang umaarangkada.
Kamakailan ay inilabas naman ng American business magazine na ‘Forbes’ ang talaan ng 10 Filipino billionaires na may malaking ambag sa industriya ng pangangalakal sa Filipinas na siyang ugat ng gumagandang ekonomiya ng bansa.
Nangunguna pa rin sa talaan si Henry Sy, pangalawa si former Senate President Manny Villar, pangatlo si John Gokongwei, pang-apat si late George Ty, kasunod sina Lucio Tan, Andrew Tan, Enrique Razon, Jr., Tony Tan Caktiong, Jaime Zobel de Ayala at Ramon Ang.
Hindi naman nababahala ang mga economic manager ni Pangulong Digong sa pagbagsak ng tax collections ng BIR at BOC sa paniniwalang makababangon ang mga ito sa 2019.
Batay sa DBCC data, ang dalawang tax collection agencies ay naatasang kumolekta ng kabuuang P2.642 trillion. Sa nasabing halaga, P2.005 trillion ang dapat makolekta ng BIR, samantalang P637.1 billion naman ang BOC pero kapwa lumasap ang mga ito ng ‘shortfall’ sa tax collections ngayong fiscal year.
Sa kategorya naman ng negosyo o kalakalan sa local government units (LGUs), partikular sa usapin ng lawak sa bayarin sa amilyar, pumasok bilang ika-siyam at ika-10 sa taong ito ang Davao City at Caloocan City, ayon naman sa COA report, bunsod na rin ng maigting na pagsisikap nina Davao City Mayor Inday Sara Duterte at Caloocan City Mayor Oscar ‘Oca’ Malapitan na mapaunlad ang nasabing mga siyudad.
Nangunguna sa talaan ang Quezon Ciy na may assets na P59.556 billion, sumunod ang Makati City, P54.85 billion; Manila, P36.102 billion; Cebu City, P32.623 billion; Pasig City, P29.899-B; Taguig City, P16.268-B; Pasay City, P14.954-B; Caloocan City, P14.702-B; Davao City, P9.899-B; at Iligan City na may P9.897 billion.
Ang top 10 wealthiest provinces naman, ayon pa rin sa COA report, ay ang Cebu, P32.429 bilyon; Rizal, P11.73 bilyon; Negros Occidental, P11.042 bilyon; Batangas, P9.979 bilyon; Bulacan, P8.964 bilyon; Palawan, P8.199 bilyon; Iloilo, P8.144 bilyon; Laguna, P7.556 bilyon; Nueva Ecija, P7.227 bilyon; at Leyte, P7.03 bilyon.
Ang Davao at Caloocan ang pinakabago sa talaan ng COA na mabilis ang pag-angat sa listahan ng mga itinuturing na maunlad na lugar sa bansa.
Ang iba pang mga newcomer na kabilang sa wealthiest cities and provinces ay ang Claver, Surigao Del Norte; Polomok, South Cotabato; General Trias at Silang, Cavite.
Para sa komento o opinyon, mag-text lamang po sa 09293652344/ 09266481092 o mag-email sa [email protected].