HINIMOK ni Senador Sonny Angara ang pama halaan na bumuo ng mga solidong hakbang upang matiyak na hindi maaapektuhan ng patuloy na paglala ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa iba’t ibang panig ng daigdig ang ekonomiya ng Filipinas.
Bukod sa nasabing nakamamatay na karamdaman, sinabi ni Angara na tiyak ding malaki ang hagupit sa ekonomiya ng pagsasara ng malalaking kompanya sa bansa tulad ng Honda, Wells Fargo at iba pa.
Ginawa ng senador ang panawagan sa pagsisimula ng pagdinig ng Senate committee on finance na kanyang pinamumunuan sa paglikha ng isang roadmap na maghahatid sa mga produktong lokal o ang tinatawag na ‘Tatak Pinoy’ sa pandaigdigang merkado
“Hanggang ngayon, alam natin na wala pa ring bakuna at gamot kontra COVID-19, pero sana naman, makagawa tayo ng paraan upang masalagan natin ang kalusugan ng ating ekonomiya. Naniniwala tayo na handa ang gobyerno sa bagay na ito,” ani Angara.
Ayon sa senador, dahil sa naturang virus, maaaring malagay sa alanganin ang ilang mahahalagang sektor na bumubuhay sa ekonomiya tulad ng turismo, na maaari naman aniyang maiwasan kung may mga kaukulang hakbang ang pamahalaan upang mapangalagaan ang mga ito.
Bago pa man sumambulat sa globa ang COVID-19 na nagmula sa Wuhan, China, masigasig na ang komite ni Angara sa pagsusulong ng mga workshop na tutulong sa ekonomiya ng bansa na maging producer imbes na manatiling consumer lamang.
Ayon pa kay Angara, bilang karagdagan sa malalaking agenda ng programa tulad ng pagpaparami sa mga malilikhang trabaho sa Filipinas, kailangan ding maprotektahan sa mga susunod na araw, linggo at buwan ang takbo ng mga trabaho sa bansa dahil sa banta ng COVID-19.
Aniya, bagaman walang sapat na kakayahan ang gobyerno na kontrolin ang mga posibleng mangyari sa mga karatig-bansa at sa globa, maaari namang mapanatiling malusog ang kalakalan sa Filipinas kung may mga solidong plano na gagabay rito.
Binigyang-diin pa ng senador na magsasagawa ng imbentaryo ang Senate finance committee sa iba’t ibang programa ng gobyerno upang masigurong nagagamit nang maayos ang P4.1 trilyong national budget para sa mga proyektong may kinalaman sa paglikha ng trabaho.
“May mga produkto tayong Tatak Pinoy na kilala na ngayon, tulad ng designer furnitures ni Kenneth Cobonpue at maging ng Puentespina family na kilala dahil sa kanilang Malagos Chocolate mula sa Davao. Tatak Filipino rin ang Jollibee, Oishi at ang Bench na ngayon ay patuloy na gumagawa ng pangalan sa buong mundo,” saad ni Angara.
Bukod sa mga produktong ito, ayon kay Angara, malaki rin ang kontribusyon ng mga Filipino sa knowledge economy. Isa rito, aniya, ang Ubisoft na developer ng videogame na Assassin’s Creed na may studio sa Laguna at ang SG Interactive na matatagpuan sa Makati. Ito naman ang nakatoka sa audiovisual presentations ng Fortune 500 companies. VICKY CERVALES