EKSIBIT SA WIKA AT KULTURANG FILIPINO, INILUNSAD SA SENADO AT KAPULUNGAN NG MGA KINATAWAN

Eksibit

Sabay na pasisinayaan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang Filipino Ito!, isang eksibit na nagtatampok ng iba’t ibang salitang nagpapakita ng kulturang Filipino, sa tanggapan ng Senado ng Filipinas at sa Kapulungan ng mga Kinatawan ng Filipinas, kahapon, Agosto 14 2019, sa ganap na ika-1:30 ng hapon.

Layunin ng Filipino Ito! eksibit na maitampok ang yaman ng wikang Filipino at mga katutubong wika ng Filipinas. Mula vakúl ng mga Ivatan hanggang lépa ng mga Badjaw, binubuo ang eksibit ng 27 salita na tanda ng karunungang nakuha mula sa mga katutubo at nailahok na sa Wikang Pambansa.

Ilan naman sa ibinidang salita ay ang bánoy o mas kilala bilang agila,  buláwan o ginto, ang salitang laya at ang dami ng kahulugan nitó sa mga katutubong wika sa Fi­lipinas, at katarúngan na salitang Sebwano.

Kasama ni Pambansang Alagad ng Sining at Tagapangulo Virgilio S. Almario si Pa­ngulo ng Senado Vicente C. Sotto III para sa bating pagtanggap sa Tanggapan ng Senado.

Si Sotto ay kilala bilang tagapagtaguyod ng wikang pambansa. Kamakailan lamang ay inihain niya ang Senate Bill No. 499 na sumususog sa Republic Act No. 7104 o ang Komisyon sa Wikang Filipino Act.

Nagbigay naman ng kanilang mensahe sa tanggapan ng Kongreso sina Pasig Rep. Roman Romulo, kasama si KWF Direktor He­neral Atty. Anna Katarina B. Rodriguez. Inanyayahan din sa pasinaya sina House Speaker Alan Peter Cayetano at Deputy House Speaker Loren Legarda.

Ang Filipino ito! eksibit ay bahagi ng mga inihandang proyekto ng KWF para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2019 na may temang Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino.

Matapos ang eksibit sa Senado at Kapulungan ng mga Kinatawan, dadalhin ng KWF ang eksibit sa mga paaralan at iba pang interesadong ahensiya ng pamahalaan. Para sa reserbasyon ng eksibit, makipag-ugnayan lang sa [email protected].

Comments are closed.