EKSPLORASYON PARA SA NATURAL GAS VS PAG-AANGKAT

Joes_take

TALIWAS sa ina­akalang hanggang 2024 na lamang maaaring mapakinabangan ang Malampaya Gas Field, sinabi ng mga eksperto na maaari pa itong mapakinabangan ng mas matagal kaysa sa inaasahan.

Ayon kay Shell President and CEO Cesar G. Romero, maaari pang umabot ng 2029 ang buhay ng Malampaya. Ang impormas­yon na hanggang 2024 na lamang ang nasabing planta ang nagtulak sa gobyerno upang isulong ang proyektong gawing terminal ng natural gas sa South East Asia ang Filipinas. Ngunit ano ba talaga ang magiging resulta kung itutuloy ang proyektong ito?

Kapag naging terminal ng liquefied natural gas o LNG ang Filipinas, mapupuwersa na tayong mag-angkat ng LNG mula sa ibang bansa. Kapag tayo ay nag-angkat, maglalabas tayo ng malaking halaga hindi lamang sa pagbili ng LNG kundi pati na rin sa pagproseso nito matapos itong angkatin. Ang pag-aangkat ng produkto mula sa ibang bansa ay may kaakibat na import risks. Tataas din ang gastos ng gobyerno dahil kung mag-aangkat tayo nito, kakailanganin nating magkaroon ng pasilidad o terminal para rito.

Ang pag-aangkat kasi ng LNG ay hindi parang pag-aangkat ng produkto gaya ng prutas na basta maibiyahe rito sa Filipinas, tapos na ang usapan. Ang pro­seso ng pag-aangkat ng LNG ay komplikado at magastos. Sa mga hindi nakaaalam, para maibiyahe ito, ito ay kaila­ngan munang  i-freeze. Saka ito ibibiyahe gamit ang mga cargo ship na maaaring abutin ng isa hanggang dalawang buwan. Kapag naidaong na sa Filipinas ang frozen na natural gas, dito na papasok ang panga­ngailangan sa regasification facility upang ma-convert ang LNG sa normal nitong estado. Sa madaling salita, mahaba ang proseso kapag itinuloy ang planong gawing terminal ng LNG ang Filipinas.

Samantalang may opsiyon din naman na galugarin ang bansa partikular na ang lugar malapit sa Malampaya Gas Field o Reed Bank dahil ayon sa mga ­eksperto ay may mala­king posibilidad na may laman ang mga ito kaya importante na maayos na ang dispute sa China.

Sa aking pananaw, mas mainam na tingnan din ang posibilidad na subukan munang maghanap ng mga indigenous source bago tayo tumalon sa opsiyon na mag-angkat. Iba pa rin ang may sarili kang pagkukuhanan ng iyong pangangailangan. Mas malaki na ang matitipid natin, may pagkakataon pa tayong makapag-supply ng natural sa mga karatig bansa na nanga­ngailangan nito.

Napakaganda ng puwesto ng Filipinas sa Asya. Baka nga ito rin ang dahilan kung bakit naisipang gawing terminal ng LNG ang ating bansa. Isipin ninyo, kung umuusbong lalo ang bansa sa pagkakadiskubre ng natural gas, at kung sa atin na bibili ang mga karatig bansa gaya ng Japan, Korea, at iba pang bansa sa Asya, mas makatutulong ito para umunlad ang ating ekonomiya at magbibigay hanapbuhay sa marami nating kababayan.

Marahil maganda kung bisitahing muli ang usaping ito dahil kung ang talagang nais natin ay kaunlaran, dapat alam na natin kung ano ang mas mainam gawin. ­Eksplorasyon kung ito ay kaya pa naman gawin. Kung talagang wala nang makitang indigenous source ng natural gas sa bansa, saka pagtuunan ang planong gawing terminal ng LNG sa South East Asia ang Filipinas.

oOo

Isang magandang balita ang hatid ng Me­ralco sa pagpasok ng bagong taon dahil bu­maba ang presyo ng ­singil sa koryente ngayong buwan ng ­Enero. Mula sa Php10.18 kada kilowatthour (kWh) noong Disyembre 2018, ito ay nasa Php9.84 kada kWh na lamang ngayon. Ang kabuuang pagbaba na nagkakahalaga ng Php0.34 kada kWh ay mangangahulugan ng halos Php70 na halaga ng bawas sa singil ng isang residensiyal na tahanan na may konsumong 200kWh ngayong buwan. Napakagandang umpisa nito para sa taong 2019. Gayunpaman, hinihimok pa rin ng Meralco ang mga customer ukol sa pagpapatupad ng matalino at masinop na paggamit ng koryente.

Comments are closed.