MULING binuhay ng Department of Agriculture (DA) ang inter-agency task force nito sa El Niño bilang paghahanda sa epekto ng tagtuyot.
Ang task force ay pamumunuan ni DA Senior Undersecretary Domingo Panganiban. Magiging bahagi rin ng task force ang iba pang mga ahensiya at tanggapan na attached sa DA.
Ayon kay Agriculture Assistant Secretary Arnel De Mesa, tututukan ng task force ang pag-streamline sa pondo ng mga proyekto, pagpapagawa ng mga irigasyon, at pagtitipid sa tubig sa pagtama ng mahabang tagtuyot sa huling bahagi ng taon.
Kabilang sa mga hakbang na isasagawa nito ay ang pagtatayo ng karagdagang water-related infrastructure tulad ng hydroelectric power plants, flood control projects at irrigation systems.
Sinabi ni De Mesa na ngayong taon, para sa small-scale irrigation projects ay naglaan ang ahensiya ng mahigit P750 milyong pondo para sa tinatawag na water, pumps, small-scale irrigation projects, at iba’t iba pang proyekto na tutugon sa patubig.
Aniya, nakikipag-ugnayan na rin ang DA sa National Irrigation Administration (NIA) upang matiyak na ang kanilang mga proyekto ay nakahanay sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng tagtuyot sa kalahating bahagi ng taon.
“Nakikipag-ugnayan tayo buwan-buwan sa DOST-Pagasa, para nakikita natin ‘yung trend mula noong March hanggang sa pagpasok ng… 3rd quarter at masigurado natin na ang ating buffer stocks sa seeds, irrigation… ay in place,” anang opisyal.