INAMIN ng Philippine National Police (PNP) na posibleng madagdagan pa ang listahan ng mga election hotspot.
Ito’y matapos na mapabilang na rin sa nasabing listahan ang La Union dahil sa serye ng pananambang sa ilang mga lokal na opisyal sa naturang lalawigan.
Magugunitang napatay si Balaoan Vice Mayor Alfred Concepcion habang sugatan naman ang anak nitong si Mayor Aleli Concepcion at nasawi rin si Supiden Mayor Alexander Boquing noong isang buwan.
Ngunit, paglilinaw ni PNP Chief Gen. Oscar Albayalde, nasa kamay pa rin ng Commission on Elections (COMELEC) kung ito ay isasailalim sa kanilang kontrol ngayong papalapit na ang 2019 midterm elections.
Aniya, nasa validation at security assessment pa rin ang mga lugar na maituturing na election hotspots subalit tumanggi muna itong isapubliko. ROSE LARA