VALENZUELA CITY – PATAY ang isang electrician matapos makoryente habang nag-aayos at nagpapalit ng ilaw sa kisame ng isang establisimiyento sa lungsod na ito.
Kinilala ang biktima na si Edito Demate, 48, ng Purok 4, Anonas St., Angeles, Pampanga City.
Sa nakarating na report kay Valenzuela Police Chief Col. Carlito Gaces, alas-12:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa isang restaurant sa loob ng shopping center sa Brgy. Bignay.
Batay sa ulat, inaayos at nagpapalit ng ilaw ang biktima sa kisame ng naturang establisimiyento nang makarinig ng isang malakas na kalabog ang saksing si Emmanuel Dela Cruz, at pagkatapos ay ang pagkawala ng koryente.
Agad na tinignan ng saksi at ng katrabaho ng biktima na si Joel Lotino ang kisame at nakita ng mga ito si Demate na walang malay na naging dahilan upang mabilis na isinugod sa Valenzuela Emergency Hospital subalit, hindi na ito umabot ng buhay. EVELYN GARCIA