ELECTRONICS EXPORT BABAWI SA 2025

INAASAHANG makababawi ang export ng electronic products sa susunod na taon, ayon sa Semiconductor and Electronics Industries in the Philippines Foundation, Inc. (SEIPI).

Sinabi ni SEIPI President Dan Lachica sa mga reporter sa sidelines ng 13th Arangkada Philippines Forum sa Pasay na tinataya ng SEIPI ang 5-percent growth sa electronics exports sa 2025.

Magiging isa itong turnaround mula sa tinatayang 10-percent contraction sa electronics exports ngayong taon.

Noong nakaraang taon, ang exports ng electronic products ay nagkakahalaga ng USD41.91 billion.

Sinabi ni Lachica na ang inventory correction at new expansion ay makatutulong sa paglago ng exports sa susunod na taon.

“Well, like I said before, the inventory correction, we’re working on that and hopefully again with the initiatives of the government to promote investments, we’re looking for new products, new expansions for the coming year,” aniya.

Sa preliminary data mula sa Philippine Statistics Authority ( PSA) ay lumitaw na ang exports ng electronic products ay nagkakahalaga ng USD27.4 billion mula January hanggang August ngayong taon, tumaas ng 1 percent mula USD27.18 billion sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. ULAT MULA SA PNA