DUDA si Commission on Elections Spokesperson James Jimenez na makakansela ang 2022 national elections kahit pa patuloy ang pagtaas ng COVID-19 infections sa araw ng halalan.
“We think it’s unlikely na aabot tayo sa punto na magka-cancel tayo ng elections,” pahayag ni Jimenez sa panayam ng Teleradyo.
Nakararanas ang bansa ng new wave ng pagtaas ng COVID-19 infections, na hinihinalang bunga ng mabilis na makahawang Omicron variant.
Hindi inaalis ng Comelec ang posibilidad na matigil ang eleksiyon sa mga lugar kung saan ang electoral board members ay nahawahan ng virus, ngunit hindi ibig sabihin na kakanselahin ang halalan sa buong bansa.
“Posibleng ma-suspend iyong elections for that reason, but only until you’re able to get new electoral boards,” ayon kay Jimenez.
“Ibig sabihin, kung may electoral board ka na ‘di dumating, maghanap ka ng kapalit. ‘Pag dumating na iyong kapalit, start na ulit iyong election,” dagdag pa ni Jimenez.