Mga laro sa Miyerkoles:
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. – San Miguel vs Meralco
7 p.m. – Magnolia vs TNT
SINELYUHAN ng Blackwater ang No. 3 seed sa quarterfinals at pinigilan ang Alaska sa pagkopo ng playoff berth sa pamamagitan ng 112-104 panalo sa PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Araneta Coliseum.
Tumapos si Ray Parks na may 25 points, 10 rebounds, 8 assists, at 3 steals at kumawala ang Elite sa huling minuto upang tapusin ang elimination round na may 7-4 record sa likod ng nangungunang TNT na may 9-1 kartada at No. 2 NorthPort na may 9-2.
Naging sandigan din ng Blackwater sina bench guys Roi Sumang at Rabeh Al-Hussaini sa krusyal na sandal, sa pagsalpak ng key baskets tungo sa pagkamada ng 18 at 15 points, ayon sa pagkakasunod.
Nakalapit ang Aces sa 104-106, wala nang dalawang minuto sa orasan, hanggang ma-beat ni Al-Hussaini ang shot clock sa pagbuslo ng three-pointer at naipasok ni Sumang ang isang mahirap na pullup jumper upang bigyan ang Elite ng pitong puntos na kalamangan.
Magmula rito ay hindi na nakaiskor ang Alaska kung saan sumablay sina Javee Casio at Chris Banchero sa kanilang three-point attempts sa huling minuto.
Nagdagdag si Mac Belo ng 13 points at gumawa si Allein Maliksi ng 12 points mula sa bench para sa Blackwater, habang tumipa si import Staphon Blaire ng 14 points, 10 rebounds, at 4 blocks sa panalo.
Nanguna si Diamon Simpson para sa Aces na may 24 points, 16 rebounds, 8 assists, at 2 blocks, habang nag-ambag sina Bancher ng 18 points, at Vic Manuel at Sonny Thoss ng tig-15.
Bagama’t bumagsak sa 4-7 kartada, maaari pa ring umusad ang Alaska sa susunod na round depende sa resulta ng mga nalalabing laro sa elimination.
CLYDE MARIANO
Iskor:
Blackwater (112) – Parks 25, Sumang 18, Maliksi 15, Blair 14, Belo 13, Al-Hussaini 12, Digregorio 6, Desiderio 4, Cortez 3, Sena 2, Alolino 0.
Alaska (104) – Simpson 24, Banchero 18, Thoss 15, Manuel 15, Teng 11, Enciso 9, Casio 6, Racal 4, Pascual 2
QS: 27-32, 56-55, 80-78, 112-104
Comments are closed.