NASAKOTE ang isang empleyado ng kompanya matapos umanong tangayin ang nasa P6,777,000 halaga ng computer graphic cards sa Valenzuela City.
Kinilala ni Valenzuela City police chief Col. Salvador Destura Jr ang suspek bilang si Rint Joshua Babao, 25-anyos na naaresto sa kanyang bahay sa Brgy. 144, Bagong Barrio, Caloocan City dakong alas-7 ng gabi nang i-reklamo ng kanyang employer na kinakatawan ng staff na si Jovelyn Bacalla makaraang tangayin nito ang items sa tulong ng dalawang kasama nito.
Ayon kay Bacalla, dakong alas-4 ng hapon nang matuklasan nito na may 180 pirasong branded na 3060 series na computer graphic card ang nawawala sa bodega ng kompanya sa Cabral St. Barangay Maysan, Valenzuela City.
“Nawalan na po kasi kami ng 30 pieces graphic cards, pinapa-account po namin sa kanya [suspect], hindi po n’ya ma-account, nagtaka po kami bigla s’yang nag-submit ng resignation letter nung November 14 kaya nag-inventory po kami agad kahapon sa warehouse,” pahayag ni Bacalla sa pulisya.
Matapos nito, kinompronta ni Bacalla ang security guard ng warehouse at kinumpirma nito na nagpunta sa warehouse si Babao at nag-pull out ito ng items.
Matapos matanggap ang report mula sa complainant, kaagad nagsagawa ang mga operatiba ng Station Investigation Unit (SIU) at Detective Management Unit (DMU) sa pangunguna nina Lt Armando Delima at Lt Ronald Bautista ng joint follow-up operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Ayon kay Station Investigation and Detective Management Branch chief Lt Robin Santos, ang tinangay na mga item ay isinuko ng kaanak ni Babao na itinago umano ng suspek sa kanyang bahay.
Ipinag-utos naman ni Col. Destura ang pagtugis sa dalawang kasabwat ng suspek na kinilalang sina Rustom Maata Jr., alyas “Baby Ama”, at Jomar Gabun habang kasong theft ang nakatakdang isampa kay Babao. EVELYN GARCIA