EMPLEYADO NG MONEY CHANGER NATANGAYAN

Money Changer

AKLAN – ISANG empleyado ng money changer ang dumulog sa awtoridad nang madiskubre niyang nawawala ang kanyang back-pack na naglalaman ng mil­yong pisong halaga ng pera sa Boracay.

Nakilala ang biktima na si Nico Jun Caagbay, 26-anyos, residente ng Sitio Manggayad, Barangay Balabag sa nasabing isla.

Pina­paniwalaang tina­ngay ng hindi kilalang miyembro ng salisi gang  ang backpack sa loob ng kanilang opisina sa Boracay.

Base sa report ng biktima sa Malay Police Station, iniwan niya ang bag sa loob ng opisina upang magbanyo subalit sa kanyang pagbalik ay nawawala na ang kanyang bag na naglalaman ng umaabot sa P2.5 milyon at iba pang personal na gamit gaya ng passbook at checkbook nito.

Pagmamay-ari aniya ng live-in partner ng kanyang kapatid na babae ang pera.

Nawawala rin ang halos P170,000 na cash ng kanilang opisina at kanyang cellphone.

Inaalam na ng pulisya ang pagkatao ng suspek na posibleng tumangay sa bag ng biktima batay sa kuha ng CCTV (closed circuit television) sa lugar.

Nakita sa CCTV footage ang lalaki na nakasuot ng itim na jacket na may hood na naglalakad palabas ng money ­changer bitbit ang ninakaw na bag.

Comments are closed.