OOBLIGAHIN na ang mga employer na magkaroon ng electronic payroll system para sa lahat ng mga empleyado anuman ang status nila sa trabaho.
Paliwanag ni ACT-CIS party-list Rep. Jocelyn Tulfo, natuklasan na karamihan sa mga employer na nag-avail ng one-time aid relief na P5,000 sa Department of Labor and Employment (DOLE) ay walang electronic payroll system, dahilan kaya hindi rin maibigay agad sa mga manggagawa ang ayuda mula sa pamahalaan.
Ito, aniya, ang pinaka-basic na labor standards para sa compensation at benefits na dapat ay sinusunod ng lahat ng kompanya.
Giit ni Tulfo, sa ngayon ay maaaring bigyan ng amnestiya ang mga employer ngunit kaakibat nito ang pagsunod sa mahigpit na probisyon ng pagkakaroon ng minimum standard sa electronic payroll.
Sinabi ng kongresista na dapat tiyakin ng DOLE na masusunod ang electronic payroll para sa lahat ng empleyado ng pribadong sektor, sila man ay regular, probationary, contractual, contractors, subcontracted, at casuals.
Hiniling din ng mambabatas na i-require sa mga kompanya ang pagkakaroon ng electronic payroll para sa pagpaparehistro at renewal bilang pagsunod na rin sa Ease of Doing Business Act. CONDE BATAC
Comments are closed.