MAS pinapaboran ng mga employer sa rehiyon ng Kyushu, ang ikatlo sa pinakamalaking isla sa timog ng Japan, ang overseas Filipino workers (OFWs) dahil sa kasipagan at abilidad ng mga ito na matuto nang mabilis.
“Kinikilala ng mga employer ang ating mga hakbangin upang sila ay tulungan, partikular ngayong panahon ng pandemya at nagpahayag din sila ng pagnanais na mapawi ang ban sa mga dayuhang manggagawa dahil sa coronavirus,” nakasaad sa ulat ni Labor Attache Elizabeth Estrada kay Labor Secretary Silvestre Bello.
Sa isang post outreach mission report, sinabi ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Osaka na bilib ang mga employer sa rehiyon sa mga Filipinong manggagawa dahil sa husay at abilidad ng mga ito.
Gayundin, dinalaw ng POLO ang mga pinapasukang trabaho ng mga OFW, partikular ang mga nasa sektor ng performing arts at agrikultura, at kinonsulta ang mga employer kaugnay sa mga isyu ng mga Filipinong manggagawa at labor documentation.
Pinuri ng mga employer ang hakbangin ng POLO kaugnay sa pagbabahagi ng mga impormasyon at dokumento para sa mga proseso at documentary requirements para sa mga Specified Skilled Workers (SSW) at sa Technical Intern Training Program (TITP) at ang mga kadalasang pagkakamali na nakikita ng POLO-Osaka sa oras ng ebalwasyon ng mga labor document na may Japanese translation.
Ang Specified Skilled Worker ay ang status of residence na pinapayagan para sa mga dayuhan na magtatrabaho at nangangailangan ng kaalaman o karanasan sa mga piniling industriya habang ang Technical Intern Training Program (TITP) na kilala rin bilang Skills and Technology Transfer Project ay ang kasunduan sa pagitan ng POEA at Japan International Training Cooperation Organization na nagsasakatuparan para sa pagtanggap sa mga skilled worker.
Pito sa walong prefecture ng Kyushu ay nasa ilalim ng pamamahala ng POLO-Osaka at ang mga ito ay ang Fukuoka, Saga, Oita, Nagasaki, Kumamoto, Miyazaki, at Kagoshima kung saan tinatayang nasa 27,000 OFWs ang naroroon. PAUL ROLDAN
Comments are closed.