EMPLOYMENT SA FILIPINAS LUMAKAS

employment

ANG pinalakas na serbisyo sa pangangasiwa ng em­pleyo at mahigpit na pagpapatupad ng mga batas na tumitiyak sa proteksiyon at seguridad ng mga manggagawa ang dahilan sa bumu­buting kondisyon sa empleyo ng bansa, ulat ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, ang positibong pagbabago sa kondisyon sa empleyo ng bansa ay bunga ng malawakang pagsasagawa ng job fair, na isa sa mga pangunahing pamamaraan ng pamahalaan upang mas maraming Filipino ang mabigyan ng trabaho, at pagbaba ng unemployment rate ng bansa.

“Ang bumubuting sitwasyon sa empleo ng bansa ay nagpapatunay na epektibo ang mga serbisyong pang-empleyo kung kaya’t mas maraming Filipino ang nabigyan ng trabaho.  Dagdag pa rito mas maraming manggagawang Filipino ngayon ang may kapaki-pakinabang at matatag na trabaho dahil sa mahigpit na implementasyon ng mga batas na tumitiyak sa proteksiyon at seguridad ng ating manggagawa,” ani Bello.

Batay sa isinagawang April 2019 Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), 1.346 mil­yong trabaho ang nalikha para sa taong 2019, kung saan umabot sa kabuuang 42.242 milyong Filipino ang may trabaho, mataas ng 3.3 porsiyento kumpara sa 40.896 milyong Filipinong may trabaho na naitala noong nakaraang taon.

Bumaba ng 75,000 ang bilang ng walang trabaho, 5.1 porsiyento o 0.4 porsiyentong pagbaba mula sa 5.5 porsiyentong unemployment rate noong Abril 2018 – pinakamababang unemployment rate mula noong 2009.

Batay sa April 2019 LFS, nagkaroon din ng positibong pag-unlad sa kalidad ng empleyo dahil tumaas ng 2.6 porsiyento ang bilang ng manggagawang  tumatanggap nang maayos na sahod, kung saan umabot ng 26.7 milyong manggagawa.

Bumaba rin ang bilang ng underemployed na manggagawa ng 1.226 milyon, 17.7 porsiyento o 0.7 porsiyentong pagbaba mula sa 17.0 porsiyentong underemployment rate noong Abril 2018.

Ang kabuuang pagbabago sa underemployment rate ay bunga ng pagpapalakas ng administrasyon sa pangangasiwa at pagbibigay ng serbisyong pang-empleyo, kasama na rito ang pagsasagawa  ng job fair sa buong bansa, paggamit ng PhilJobNet, isang onlne job portal para sa mga naghahanap ng trabaho, gayundin ang pagtataas ng mga rehiyon sa sahod ng mga manggagawa.

Gayunpaman, sa kabila nang pagbaba ng bilang ng mga manggagawang walang trabaho, ang underemployment ay nananatiling hamon sa 1.001 milyong kabataang walang trabaho na nasa edad 15-24 taon.

“Ang labor department ay hindi titigil upang itaas ang kalidad ng buhay ng bawat manggagawang Filipino at ng kanilang pamilya sa pamamagitan ng pagpapalakas ng mga serbisyong pang-empleyo at pagsasaayos ng mga programa para sa kapakanan at kapakinabangan ng ating manggagawa.  Patuloy rin naming itinutulak na maipasa ang security of tenure bill upang wakasan ang lahat ng uri ng pang-aabuso sa trabaho upang maiangat ang ating manggagawa mula sa kahirapan,” ani Bello. PAUL ROLDAN

Comments are closed.