ENCHONG DEE, MAY SPECIAL TREATMENT?

ENCHONG DEE

Napabalita kamakailan  na nakalabas na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang nag- voluntary surrender na aktor na si Enchong Dee matapos umano itong magpiyansa ng P48,000 kaugnay sa P1 billion cyber libel case na isinampa sa kanya ni Party-list Rep. Claudine Bautista-Lim, ng Drivers United for Mass Progress and Equal Rights (DUMPER).

Ayon sa source,  nagkaroon ng kataka-takang mga pangyayari nang humarap si Dee sa NBI noong Lunes kasama ang kanyang abogado at staff.  Sinasabing bago pa dumating sa NBI Quezon City ang naturang sikat na aktor, mayroon nang tumawag sa utos na rin ng isang malaking tao sa Pilipinas na  diumano’y backer ni Dee.

Nakakapagtaka  na  may mga SOP o standard operating procedures na ‘di nasunod gaya ng pagpapalabas ng order or release after office hours at kawalan man lamang ng mug shot na naisapubliko na nagsisilbing patunay na talagang nai-book ang aktor at na-process ang kanyang kaso.

Hapon na noong dumating ang aktor sa NBI at nakapagpiyansa pa ito.

Maalala na ang Davao Occidental prosecutors ay nagpalabas ng resolusyon na may petsang Nobyembre 16, 2021 na nag-apruba sa pagsasampa ng kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 laban kay Dee.

Noong Enero 26, nag isyu ng warrant of arrest ang NBI pero nabigo ang planong pag-aresto sa nasabing ABS CBN star dahil wala ito sa kanyang tahanan sa Quezon City at napag-alamang nagpapalipas oras sa isang beach ayon na rin sa kanyang Instagram account.