END-TO-END TEST NG VCMs SINUBUKAN NG COMELEC

SINUBUKAN na ng Commission on Elections (Comelec) ang unang end-to-end test ng mga vote counting machines (VCMs) na gagamitin para sa May 2025 polls.

Sa pahayag ni Chairman George Erwin Garcia nitong Oktubre 29, ito aniya ay para malaman kung may mga aayusin pa sa naturang mga VCMs upang matiyak ang accuracy ng election results.

Inihayag pa ng Comelec chairman na  kabilang sa kanilang sinubukan ay ang aktuwal na pagboto gamit ang vote counting machines na mula sa MIRU at ang unang online voting para sa mga OFW kasabay na rin ang transmission ng mga boto.

Ang mga kopya ng polls result ay matatanggap ng mga partner organization ng komisyon tulad ng PPCRV at NAMFREL gayundin ng mga dominant majority at minority parties.

Ipinaliwanag naman ni Garcia na internal sa Comelec ang pagsasagawa ng end-to-end test ng mga machines ngunit ito aniya ay isinagawa nila para sa transparency ng mga aktibidad ng tanggapan.

RUBEN FUENTES