BAGAMA’T nakasama siya sa Cinemalaya movie na “Sundalong Kanin” noong 2014, hindi niya masasabing significant ang kanyang role sa nasabing pelikula.
Gayunpaman, thankful siya dahil nag-pave way ito sa pangarap niya na makilala at makapagbida sa nasabing independent film festival.
Ngayong taon, natupad ang isa sa mga goals niya dahil siya ang leading man ni Sunshine Cruz sa pelikulang “Malamaya” (The Color of Ash) na kalahok sa 15th edition ng Cinemalaya.
Pagtatapat ni Enzo, nag-audition daw siya para sa kanyang role sa nasabing pelikula na idinirehe ng tandem nina Leilani Chavez at Danica Sta. Lucia.
“Thankful ako dahil sa akin ibinigay ng Diyos ang role ko rito. I think, ito rin iyong project na para sa akin,” aniya.
Sa Malamaya, ginagampanan niya ang role ni Migs, isang hobbyist na photographer na na-involve kay Nora, isang artist na mas matanda sa kanya.
“Actually, frustrated artist ako kasi ipinasok ako ng pamilya ko sa isang kurso na hindi ko gusto. Kumbaga, naudlot iyong passion ko na na-ignite lang noong makilala ko si Nora,” kuwento niya.” Si Nora na ipino-portray ni Miss Shine ay matagal ko nang crush noong bata pa. I guess, fate lang na muli kaming nagtagpo. Then, we were able to start a romantic relationship na may halong student-mentor relationship,” dugtong niya.
Paliwanag pa niya, hindi rin daw tungkol sa romansa nila ang pelikula kundi may malalim pa itong mensahe.
“Kumbaga, it’s about the life of an artist, specifically si Miss Shine na taga-UP Diliman dito. Pinapakita rito ‘yung struggles, challenges ng pagiging artist and at the same time, meron kaming passionate romantic relationship,” saad niya.
Ayon pa kay Enzo, kahit mas bata ang karakter niya kumpara kay Sunshine sa pelikula ay palaban din daw naman ito.
“Ako bilang bata, hindi rin naman ako nagpapatalo, but of course, her being more dominant between the two characters lumalabas ‘yon. Pero ‘yung character ko palaban din and I guess that’s what makes the romance exciting. So, parehas kaming may gustong makuha sa isa’t isa, hindi lang sa relationship ha, kumbaga pati sa art, ‘yung knowledge niya kasi mas marami siyang alam sa akin,” kuwento ng aktor na napapanood din sa morning series ng ABS-CBN na Nang Ngumiti Ang Langit.
Pag-amin din ng actor na itinuturing niya ang role niya bilang Migs sa pinaka-challenging at pinaka-mapangahas na nagawa niya sa entire career niya dahil sa love scenes nila sa pelikula.
“Rumarampa naman ako sa shows na naka-brief, pero sa movie, marami talagang nakita, kasi iyon ang kailangan sa pelikula. Hindi ko naman siya gagawin iyon kung walang purpose o para maging porn lang. Ako naman kasi, sa totoo lang, minsan wala na akong pakialam. Kasi, pag nandoon ka na, gagawin mo ang lahat para sa ikagaganda ng pelikula,” sey ni Enzo.
Wala ring paki si Enzo sa detractors niya sa social media na nagsasabing exhibitionist siya dahil pulos mga hubad niyang larawan ang kanyang ipino-post.
“I think, I’m just comfortable with my skin. Iyon namang ginagawa ko, gusto ko ring maging inspirasyon sa iba on how to stay fit and fab,” aniya.
Sa punto ng karera niya, gusto rin niyang patunayan na nag-mature na siya as an actor.
“Dumating na rin ako sa point na gusto kong mag-explore sa iba-ibang roles. Wala na ako sa phase na okey, artista ako, I earned money, I go out a lot with my friends, gumigimik ako palagi, pa-good boy din, parang half-half. Now parang nag-decide ako, I want to be an actor,” pagtatapos niya.
Ang “Malamaya” ay kalahok sa full-length category ng 15th Cinemalaya Independent Film Festival na mapapanood sa Cultural Center of the Philippines at mga piling Ayala Mall at Vista Mall cinemas sa buong bansa mula Agosto 2 hanggang 11.
Comments are closed.