(Epektibo na ngayong Hulyo) P35 MINIMUM WAGE HIKE SA NCR WORKERS

INAPRUBAHAN ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang P35 dagdag sa daily minimum wage ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR), mula P610 ay magiging P645 na ito.

Ang Wage Order No. NCR-25 ay nilagdaan noong Hunyo 27 at inilabas ng National Wages and Productivity Commission Lunes ng umaga. Magiging epektibo ang kautusan 15 araw matapos ang publikasyon sa national dailies.

Samantala, ang daily minimum wage para sa mga manggagawa sa agriculture (plantation at  non-plantation), service/retail establishments na nag-eempleyo ng 15 manggagawa o mas mababa, at manufacturing establishments na regular na nag-eempleyo ng mas mababa sa 10 manggagawa, ay itataas sa P608 mula sa kasalukuyang P573.

“The minimum wage rates prescribed under this Order shall be for the normal working hours which shall not exceed eight (8) hours of work a day,” nakasaad sa kautusan.

Bago ang pag-apruba sa  salary increase, tatlong petisyon ang inihain sa Board na humihiling ng wage adjustments na mula P597 hanggang P750, ng Unity for Wage Increase Now, St. Lukes Medical Center Employees’ Association, The Medical City Employees’ Association, St. Luke’s Medical Center Global City Employees’ Union Independent, Manila Doctors Hospital Employees’ Association at Pasig Labor Alliance for Democracy and Development.

Ang RTWPB-NCR ay nagsagawa ng tatlong consultations/public hearings sa labor at management noong Mayo 23, Hunyo 4 at Hunyo 20 sa Quezon City.

Ang huling wage hike order sa NCR ay inaprubahan noong Hulyo 16, 2023, na nagtakda ng P40 increase.