MAKATATANGGAP ng mas mataas na sahod ang mga manggagawa sa pribadong sektor sa Region IX o Zamboanga Peninsula sa kalagitnaan ng buwan, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Ayon sa DOLE, pinagtibay ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) noong October 24 ang wage orders na isinumite ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board sa Region IX.
Ang pinagtibay na wage orders ay inilathala noong October 27 at magiging epektibo 15 araw matapos ang publication, o sa November 12, 2023.
Partikular na inisyu ng RTWPB Region IX ang motu propio Wage Order No. RIX-22 noong October 16, na nagkakaloob ng P30 daily minimum wage increase sa lahat ng sektor.
Inaprubahan din ng wage board ang second tranche pay hike na P13 sa mga empleyado sa retail o service establishments na may 10 hanggang 30 empleyado. Epektibo ito sa February 1, 2024.
Ayon sa DOLE, sa sandaling maging epektibo, ang daily minimum wage sa Zamboanga Peninsula ay tataaa sa P381 mula P351 para sa non-agriculture sector at retail/ service establishments na may 31 o higit pang empleyado.
Samantala, ang daily minimum wage para sa mga manggagawa sa retail establishments na may 10 hanggang 30 workers ay tataas sa P368 mula P338, at kapag naging epektibo ang second tranche, ang minimum pay ay tataas sa P381.
Para sa mga manggagawa sa agriculture sector, ang minimum pay ay tataas sa P368 mula P338.
Gayundin ay nag-isyu ang RTWPB Region IX ng motu propio Wage Order No. RIX-DW-04, na nagtataas ng monthly minimum wage ng domestic workers o kasambahays ng P600.
Dahil dito, ang monthly wage rate para sa domestic workers sa chartered cities at first-class municipalities sa rehiyon ay tataas sa P4,600 mula P4,500; at P4,100 mula P3,500 sa ibang munisipalidad.
Ang huling wage orders para sa mga manggagawa sa private establishments at domestic workers sa rehiyon ay kapwa inisyu noong June 1, 2022 at naging epektibo noong June 25, 2022.