HINDI naman lingid sa kaalaman ng nakararami kung ano ang nagagawang tulong ng kapayapaan at kaayusan sa isang bansa sa mga negosyo rito.
Kung may kapayapaan, walang dahilan upang hindi pumasok ang mga magagandang pagkakataon para sa bansa na makatutulong sa mga miyembro ng pribadong sektor na magkaroon ng mga customer, kwalipikadong empleyado, mga lokal na supplier, at mga mamumuhunan.
Tila nasa tamang direksiyon naman ang Pilipinas pagdating sa usapin ng kapayapaan at kaayusan, lalo na kung ang paglaban sa ilegal na droga ang pag-uusapan. Sa unang dalawang linggo ng taong 2023, nasa milyon-milyong halaga ng shabu na ang nahuli ng ating kapulisan sa iba’t ibang buy-bust operation na ginawa ng mga ito.
Nitong nakaraang linggo lamang, sa pangunguna ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Bureau of Customs (BOC), Las Pinas City Police Station, at ng Inter-Agency Drug Interdiction Task Group ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), nahuli ang tumanggap ng package mula sa Nigeria. Nasa humigit kumulang P89.5 milyon na halaga ng shabu ang nilalaman ng naturang package.
Sa isa namang hiwalay na operasyon, kinumpiska naman ng PDEA at BOC ang shabu na nagkakahalagang P13.8 milyon na tinangkang ipuslit sa pamamagitan ng paglalagay ng mga ito sa kargamento ng mga water bottle mula sa Thailand noong ika-2 ng Enero. Nahuli ang mga kargamento sa isang distribution facility sa lungsod ng Pasay matapos ang imbestigasyon sa mga kahina-hinalang larawan mula sa mga x-ray scan.
Hindi lamang sa Metro Manila talamak ang bentahan ng droga. Sa Isabela, isang guro sa pampublikong paaralan at kilala rin bilang isa sa mga malalaking drug pusher sa probinsya ang nahuli matapos nitong bentahan ng tatlong pakete ng shabu ang mga undercover na agent ng PDEA. Sa Cebu City naman, dalawang kuta ng mga drug dealer ang pinasok ng PDEA kung saan inaresto ang walong katao, kabilang ang isang 68-anyos na senior citizen.
Walang ligtas sa mga operasyong ginagawa laban sa droga dahil kahit mismong ang Philippine National Police (PNP) ay isinasagawa ang mga ito. Agresibo ang PNP sa kasalukuyan sa gitna ng serye ng mga kontrobersiya kung saan sangkot ang ilang miyembro ng kapulisan. Kaugnay nito, hinikayat ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ang naturang mga pulis na isumite ang kanilang “courtesy resignation” upang mapanatili ang integridad ng kapulisan sa bansa.
Sa kasalukuyan, hindi bababa sa 900 ang nakinig sa panawagan ni Abalos. Nakalulungkot malamang 95% sa mga ito ay mga senior general na at mga koronel. Sasailalim ang mga ito sa lifestyle check bilang bahagi ng pagsusuri sa mga isinumiteng “courtesy resignation”. Matapos nito ay gagawa ang PNP ng rekomendasyong ibibigay kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Tiyak namang marami ang susubaybay at mag-aabang sa magiging resulta ng masusing imbestigasyong ito. Sa ilalim ng pamumuno ni Abalos bilang DILG Secretary, tiwala akong may katiyakan ang integridad ng proseso at sinumang mapatunayang sangkot sa droga, gaano man kataas ang ranggo nito, ay mananagot sa batas.
Nakapapanatag naman sa kaloobang malamang maging ang kasalukuyang administrasyon ay seryoso at agresibo sa pagsugpo sa droga sa bansa. Napakahalaga ng kapayapaan at kaayusan sa bansa dahil makatutulong ito sa pagpasok ng mas marami pang mamumuhunan. Walang negosyanteng gugustuhing magpasok ng negosyo o puhunan sa isang bansang magulo at walang umiiral na sistema at kaayusan.
Ayon sa Institute for Economics and Peace, “Economic performance and peace are often mutually reinforcing.” Sa madaling salita, hindi mapaghihiwalay ang mahusay na ekonomiya at ang kapayapaan. Kung ang isang bansa ay mayroon ng kahit isa sa dalawang ito, tiyak na kakabit ang isa pa – ang bansang may kapayapaan ay tiyak na magkakaroon ng mahusay na takbo ng ekonomiya, at ang bansa namang may mahusay na takbo ng ekonomiya ay tiyak na mayroong kapayapaan at kaayusan. Ang pagsiguro na mayroon ang Pilipinas ng dalawang ito ay isa sa mga bagay na dapat pagtulungan ng pamahalaan, pribadong sektor, at ng mga mamamayan.