CAMP VICENTE LIM – BUMAGSAK sa bahagi ng shoreline sakop ng Brgy. Papaya, Nasugbu, ang isang Piper Aztec Multi-Engine Plane kahapon.
Batay sa inisyal na ulat ni Regional Public Information Officer (RPIO) PLt. Col. Chitadel Gaoiran, nakilala ang mga nakaligtas subalit sugatan na sina Pilot Capt. Eugene Avila y Delasalde, 65, ng Harison Buendia, Pasay City at kanyang Co-Pilot na si Capt. Armando Ducat y Bagason, 25, residente ng B. F Resort, Las Piñas City.
Sa imbestigasyon, dakong ala-1:00 ng hapon nang hindi umano inaasahang mawala sa tamang direksiyon ang nabanggit na eroplano na PA-23-250 matapos magkaroon aniya ito ng fuel system failure dahilan para ito bumagsak sa gitna ng karagatan na may mahigit na 17 metro ang lalim.
Sinasabing galing ang mga ito sa Cuyu, Palawan patungo ng Sangley Point Cavite, City nang hindi inaasahang maganap ang insidente.
Dahil dito, agad namang nasagip ng maraming mangingisda sa lugar ang pilotong si Avila kabilang si Ducat kung saan agarang isinugod ang mga ito sa Jabez Medical Center para malapatan ng lunas ang tinamong sugat sa kanilang katawan. DICK GARAY
Comments are closed.