ES RODRIGUEZ MATATAG NA SANDIGAN NG PAMAHALAAN

Joe_take

NAGBIGAY ng babala kamakailan ang Malacanang laban sa mga hoarder ng asukal na patuloy na nagsasamantala sa kasalukuyang supply concern sa ating bansa.

Dahil sa umano’y kakulangan ng suplay, agad ipinag-utos ni Executive Secretary Victor Rodriguez sa Bureau of Customs-Pampanga ang pagsasagawa ng isang raid upang kumpirmahin ang mga balitang mayroon umanong mga warehouse ng asukal sa Pampanga ang kasalukuyang nagsasagawa ng hoarding ng asukal. Tinawag niyang artipisyal ang kakulangan ng suplay ng asukal dahil sa nagaganap na hoarding ng ilang mga negosyante.

Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, ilang mga sako ng suspected na imported sugar mula sa Thailand ang nakita at kinumpiska ng BOC matapos ang imbestigasyon. Narekober din ang ilang mga sako ng imported flour, mga plastik, bariles ng petrolyo, mga parte ng motorsiklo, gulong, helmet, LED television, at mga pintura.

Binigyan din ng 15 araw ang may-ari ng warehouse upang magpakita ng mga dokumento na magpapatunay na ang mga nakumpiskang produkto ay dumaan sa legal na proseso ng importasyon.

Ayon kay Rodriguez, ang pagsasagawa ng raid at pagkukumpiska ng mga hoarded na asukal ay magsisilbing babala sa ilan pang mga negosyante upang itigil ang gawaing ito, pigilan ang pagtaas ng presyo ng naturang produkto sa merkado, at ipakitang seryoso ang pamahalaan na itama ang mga kamalian ng mga mapagsamantala.

Bilib ako sa pagiging proaktibo ni Rodriguez dahil agad na nabibigyan ng aksiyon ang problema ng ating bansa.

Simula pa noong kampanya, nakita natin kung paano naging aktibo si Rodriguez sa kanyang trabaho bilang taga-depensa at tagapagsalita ng Pangulo, na kanyang itinutuloy ngayong siya na ang Little President ng Pilipinas. Isang panalo sa atin ang pagkakaroon ng mahuhusay na public servant katulad ni Rodriguez dahil napatunayan niyang siya’y handang umaksiyon agad upang mabigyan ng mabilis na solusyon ang mga problema ng bansa.

Kung hindi sa kanyang pagiging proaktibo, marahil ay mas magiging laganap ang hoarding ng asukal sa ating bansa na higit na magdudulot lamang ng patuloy na pagtaas ng presyo ng asukal.

Mahirap na trabaho ang pagiging executive secretary dahil sa mga kapangyarihan ng kanyang trabaho bilang Little President, ngunit isang advantage para sa atin na magkaroon ng propesyunal na indibidwal, na maayos na nagbibigay ng serbisyo sa sambayanang Pilipino sa pamamagitan ng agarang aksyon, at pagbibigay ng tamang disiplina para sa mga mapagsamantala, tungo sa kaunlaran at kaayusan ng Pilipinas.

Isa si Atty. Rodriguez sa mga indibidwal na lubos nating kailangan dahil sa pagkakakilala niya sa pangulo na kanyang “advantage” sa pagganap ng kanyang tungkulin sa pamahalaan. Sa kanyang katapatan at pagkakakilala kay PBBM, siya ang magsisilbing epektibong boses hindi lamang ng ating Pangulo, kundi ng buong Pilipinas.