NASA kritikal na kalagayan ang isang Grade 10 student matapos saksakin ng isa sa tatlong lasing sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.
Inoobserbahan sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong saksak sa ibabang bahagi ng kanang dibdib si Jayar Jamorawon Jr., 18, ng 118 Sto. Niño St., Brgy. Concepcion.
Nakapiit naman sa detention cell ng Malabon Police ang isa sa mga suspek na nakilalang si Jayson Leonardo, 27, tricycle driver ng 8 Azucena St., Camia Merville Tanza, Navotas City, habang pinaghahanap pa ng pulisya ang dalawang kasabwat nito na si Roman Lachica ng Champaca, Tanza, Navotas at alyas “Ryan”.
Lumabas sa imbestigasyon nina PSSg Richard Andrew Calaycay at PSSg Philip Ceasar Apostol, dakong alas-2:25 ng madaling araw, sakay ang biktima sa E-Trike, kasama ang mga kaibigan na si Jayson Cajuban, 18, at Edwin Garcia, 18, habang tinatahak ang kahabaan ng M. Naval St., Brgy. Baritan, Malabon nang harangin ang mga ito ng lasing na mga suspek.
Kinompronta ng mga suspek ang mga biktima na nauwi sa mainitang pagtatalo hanggang sa maglabas ng patalim si Leonardo at tinarakan sa ibabang bahagi ng kanang dibdib si Jamarawon.
Matapos ang insidente, mabilis na nagsitakas ang mga suspek sa hindi matukoy na direksiyon habang isinugod naman ang biktima sa naturang pagamutan ng mga rumespondeng barangay tanod.
Humingi naman ng tulong ang mga saksi sa mga tauhan ng PCP-7 at sa isinagawang follow-up operation ay nasakote si Leonardo habang nakatas naman ang dalawang kasabwat nito. VICK TANES
Comments are closed.