EU AMBASSADOR, PINAHALAGAHAN ANG PANGAKONG TULONG NA ITAAS ANG KASANAYAN NG MGA MARINONG PINOY

PINAHALAGAHAN  ni European Union (EU) Ambassador sa Pilipinas, Luc Veron ang pangakong suporta ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda upang mapataas ang pandaigdigang antas ng kasanayan ng mga marinong Pinoy, na kasalukuyang sinusuri ng European Maritime Safety Agency (EMSA).

Pinamumunuan ni Salceda ang House Ways and Means Committee, at ‘senior member’ din siya ng ibang mahahalagang komite ng Kamara, kasama ang ‘Trade and Industry Committee’ nito. Sa liham sa kanya ni Ambassador Veron kamakailan lamang, pinasalamatan siya ng embahador sa “pagbibigay niya ng ibayong pagpapahalaga” ang pagsusuri ng EMSA at sa pagtupad ng Pilipinas sa ‘International Convention on Standards of Training, Certification and Watchkeeping for Seafarers (STCW).”

Binigyang diin ni Veron sa liham niya na alam ng mga awtoridad ng EU ang “pang-ekonomiya at panlipunang kahalagahan ng trabaho ng mga marinong Pinoy, hindi lamang sa kanilang bansa, kundi na rin sa European Union.”

Nauna rito, lumiham din si Salceda kay Veron kung saan tiniyak niya ang buong suporta ng Kongreso sa mga inisiyatibong magpapataas sa pandaigdigang antas ng kasanayan ng mga marinong Pinoy, kaugnay sa kasalukuyang pagsusuring ginagawa ng EMSA.

“Kasama ang mga 50,000 Marinong Pinoy naming nagtatrabaho sa Europa sa kumikita ng malaking halaga ng mga dayuhang salapi. Mawawala sa aming bansa ang kita nila kung hindi sila papasa sa pagsusuri ng EMSA ngayong buwan,” sabi ni Salceda sa kanyang liham.

Kaugnay nito, tiniyak ni Salceda kay Viron ang buong suporta niya sa anumang mga panukala bunga ng pagsusuri ng EMSA upang matupad ng bansa ang mga panuntunan ng ‘International Convention on the Standards of Training, Certification and Watchkeeping for Seafarers (STCW),’ at bilang tugon din sa mga kasalukuyang hamon sa pandaigdigang ekonomiya.

“Bilang ‘senior member’ din ng lupon ng pamunuan ng Kongreso, nais kong makipag-tulungan sa delagasyon ng EU sa Pilipinas upang isulong ang interes at kapakanan kapwa ng mga Marinong Pinoy at ng ‘European shipping and logistics’ sa mahahalagang usapin gaya ng akmang pagsasanay ng mga marinong Pinoy,” dagdag ng mambabatas.

Ayon kay Salceda, alam niyang sa nakaraang mga pagsusuri ng EMSA, nanganganib na mawalan ng trabaho ang marami sa 50,000 marinong Pinoy na ang iba ay mula sa kanilang lalawigan sa Albay.

Nakahanda ang tanggapan niya sa Albay na makipagtulungan sa delegasyon ng EU upang mapataas lalo ang antas ng pagsasanay ng mga paaralang pang-Marino sa kanilang lalawigan.

Pinuna rin niya na sa nakaraang mga buwan, malawakang umasa ang ‘European maritime industry’ sa mga marinong Pinoy na mga bihasa sa kulturang kanluran, kaya madali silang magkaunwaan. “Ganun pa man, sadyang kailangang taasan ang antas ng kanilang pagsasanay at kasanayan upang matugunan ang mga alalahanin ng EMSA na sa nakaraang mga pagsusuri nito ay mababa ang markang nakuha ng mga Marinong Pinoy,” dagdag niya.

Binigyang diin ni Salceda na kritikal ang mapanatili ang trabaho ng mga Marinong Pinoy sa Europa, lalo na kasalukuyang lagay ng pambansang ekonomiya at pag-empleyo, kaya kailangang maprotektahan ang ‘foreign currency reserves’ ng bansa.

“Bagama’t hindi basta-basta patatalsikin ang mga Marinong Pinoy ng kanilang kumpanya, tiyak na seryosong pahahalagahan ng mga naturang ko. mpanya ang resulta ng pagsusuri ng EMSA. At kung talagang bagsak tayo, magdadalawang isip na ang naturang mga kompanya na tumanggap pa ng mga Pilipino,” patapos niyang paliwanag.