NAGPOSITIBO si dating Brazilian women’s national team standout Leila Barros sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ang senadora na ngayon na si Barros ay kinakitaan ng mga sintomas ng virus at sumailalim sa real-time reverse transcription polymerase chain reaction (rRT-PCR) test kung saan ay nagpositibo siya.
Si Barros na hinangaan ng Filipino volleyball fans sa hosting ng bansa sa World Grand Prix sa kaagahan ng 2000s, ay dumanas ng lagnat at pananakit ng katawan. Gayunman, sa imaging exams ay walang nakitang pagbabago sa kanyang baga.
Sa kanyang post sa Instagram ay sinabi ng three-time World Grand Prix champion at two-time Olympic bronze medalist na kumpiyansa siyang gagaling sa sakit.
Bagama’t dumaranas pa ng pananakit ng ulo, si Barros ay isasailalim sa home isolation alinsunod sa payo ng mga doktor.
Sa isa pang post ay pinasalamatan niya ang mga nagdasal para sa kanya.
“This network of positive energy fills me with disposition. I have faith that soon I will recover. I pray that everyone who fights against this disease will have strength at this moment,” ani Barros.
Brazil ang pangalawa sa pinakatinamaang bansa dulot ng pandemya sumunod sa USA na mayroong 1,866,176 kaso kung saan 72,151 rito ang binawian ng buhay as of July 13.
Comments are closed.