CAMP CRAME – ARESTADO ng Integrity Minitoring and Enforcement Group (IMEG) ng Philippine National Police (PNP) ang isang dating pulis na sangkot sa pangingikil.
Kinilala ni IMEG Director P/Col. Ronald Lee ang suspek na si Beverly Banan na dinakip sa ikinasang entrapment operations sa Pasay City noong Lunes sa bisa ng reklamong inihain laban sa kanya.
Si Banan na nagsilbi ring pulis na may ranggong Staff Sgt. ay naitalaga sa Police Regional Office – Regional Human Resource and Doctrine Division ng Ilocos bago mawala sa serbisyo noong 2013.
Ang modus, nag aalok si Banan ng mabilis na pagproseso ng recruitment, reassignment at promotion sa mga tauhan ng PNP kapalit ng malaking halaga.
Dahil dito, nagpanggap na kukuha ng serbisyo ni Banan ang isang operatiba ng IMEG kung saan, hiningan siya nito ng P40,000 hanggang P80,000.
Tuluyang nalaglag sa patibong ng IMEG si Banan nang positibo niyang tanggapin ang 40,000 na boodle money, dahilan upang siya’y arestuhin.
Kasalukuyan nang nasa Kampo Crame si Banan at ngayo’y iniimbestigahan kung may mga kasabwat pa itong aktibo pa rin sa serbisyo. REA SARMIENTO