SUSUPORTAHAN ng Pilipinas ang mga exporter sa layuning palakasin ang napag-iiwanang export sector nito, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).
Sinabi ni Trade Secretary Alfredo Pascual na inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang Philippine Export Development Plan 2023 to 2028 sa isang pagpupulong sa Malacañang.
“This export development plan will capitalize on export growth opportunities, considering market trends and the available or existing competencies in the Philippines among our industries,” ani Pascual.
Paliwanag niya, ang export competitiveness ng bansa ay nakasalalay sa pagiging kumpetitibo ng mismong mga kompanya.
Layunin din, aniya, ng plano na gawing isang “agile export powerhouse” ang bansa.
Hindi tulad ng mga kapitbahay sa ASEAN, ang Pilipinas, sa pangkalahatan, ay nahuhuli pagdating sa exports, kung saan ang balance of trade nito ay kadalasang nagpapakita ng deficit.
Sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang trade deficit ng bansa noong Marso ay pumalo sa $4.93 billion.
Ang total export sales ay umabot sa $6.53 billion, mas mababa ng 9.1 percent kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Samantala, ang total imports ay nagkakahalaga ng $11.46 billion sa parehong buwan.