IPRINISINTA ni House Committee on Transportation Chairman at Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento ang nilikha niyang plano bilang solusyon umano sa patuloy na lumalalang ‘traffic condition’ sa kahabaan ng Edsa.
Sa kanyang inilalatag na ‘blueprint’, pangunahing inirerekomenda ng Samar province solon ang pagkakaroon ng ‘express lane’ at ‘synchronized dispatching system’ para sa mga bus na bumibiyahe sa nasabing 23.8 kilometrong ‘main arterial highway’ ng Metro Manila.
Paliwanag ni Sarmiento, na isang civil engineer, sa kanyang rekomendasyon, itatalaga ang ‘innermost lane’ ng EDSA para sa ‘express passenger buses’ at gagamitin nito ang mga istasyon ng Metro Manila Rail Transit System o MRT bilang kanila ring loading and unloading bays.
Sa ganitong paraan ay magkakaroon ng alternatibong transportasyon ang mga tumatangkilik ng MRT at makatutulong ang ‘express buses’ na matugunan ang ‘passenger load’ ng naturang light railway system.
“People who use the MRT can now have the option to ride the bus which will be also operated like carousel. The buses will only load and unload passengers in a synchronized manner at the MRT stations so they are basically an extension of the MRT. Walang magiging traffic d’yan because the entire inner lane from Taft Avenue to North Avenue and vice-versa will be enclosed and exclusive to the express bus lane,” ang pahayag pa ng ranking house official.
Hinggil naman sa ‘synchronized dispatch system’, sinabi ni Sarmiento na ang mga pampasaherong bus na bumibiyahe mula sa magkabilang dulo ng Edsa ay gagamitin bilang kanilang terminal ang Parañaque Integrated Bus Terminal (PITX) sa ‘south-end’ at ang Valenzuela Integrated Bus Terminal (VIBT) naman na nasa ‘north-end’.
Mananatili umano ang ‘yellow lane’ para sa public utility buses, subalit magkakaroon na lamang ng partikular na ‘stops’ sa kahabaan ng Edsa ang mga pampasaherong bus, na may isang kilometro ang distansiya sa bawat isa.
Sa ilalim ng ‘dispatching system’ na ipatutupad, bibigyan ng partikular na oras ang isang bus sa pag-alis nito sa central terminal upang maiwasan na magkasabay-sabay ang lahat ng passenger bus at magsiksikan sa ‘yellow lane’.
“We propose this to eradicate the kanya-kanya system of the buses wherein they compete with each other creating chaos through overtaking, overspeeding, and overstaying. Puno man o hindi, lalarga po ang mga city buses dahil may schedule na po ang biyahe nila at hindi na sila makikipag agawan ng pasahero dahil hindi na commission-based ang kita kundi sahod na ang matatanggap ng mga drivers at konduktors,” dagdag pa ni Sarmiento.
Ang nalalabi namang tatlong linya ng EDSA, sa pagitan ng iminumungkahing ‘express bus’ at ‘yellow lanes’, ay magagamit ng lahat ng uri ng pribadong sasakyan at maaari lamang silang pumasok sa ‘bus lanes’ kung liliko palabas ng EDSA.
Ani Sarmiento, tiwala siya na kapag maayos na ang takbo ng mga pampublikong bus sa EDSA ay maeengganyo ang private vehicle owners na ‘mag-commute’ na lamang, na magreresulta sa pagkabawas sa bilang ng mga sasakyan sa naturang highway, na itinuturing ngayong ‘one of the world’s biggest parking lot’.
Nilinaw naman ng kongresista na ang kanyang panukala ay maaari pa ring mabago at nakadepende sa desisyon ng Department of Transportation (DOTr) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kung tatanggapin, bilang isang ahensiya ng pamahalaan na pangunahing nakatutok sa pagpapatupad ng kaukulang ‘traffic scheme’ sa EDSA. ROMER R. BUTUYAN