PANATAG ang Department of Health (DOH) na ligtas at maayos ang kasalukuyang sitwasyon ng mga isinasagawang face to face classes sa bansa.
Paglalarawan ni Usec. Maria Rosario Vergiere, OIC ng DOH, ‘So far, so good’ ang sitwasyon sa iba’t ibang paaralan sa bansa at ligtas sa anumang banta ng sakit ang mga estudyante sa lahat ng antas ng edukasyon.
Dagdag pa nito, patuloy ang ginagawang kooperasyon ng DOH sa Department of Education (DEPED) upang matiyak na hindi malalagay sa peligro at mananatiling safe ang mga paaralan at mag-aaral laban sa sakit.
Aniya, lahat din ng mga tagubilin ng DOH at mga general health protocols ay nasusunod sa mga paaralan.
Gayunpaman, aminado pa rin si Vergiere na may mga pagkakataon na nagkakaroon ng siksikan partikular tuwing oras na ng uwian dahil dito na sinusundo ang mga bata at siksikan ang mga nanay o guardian habang nag-aantay sa loob at labas ng mga paaralan.
Bunsod nito, nakipag ugnayan na ang DOH sa Department of Interior and Local Government (DILG) at sa mga lokal na pamahalaan upang magawan ng solusyon ang nasabing isyu at nang matiyak na bababa ang kaso ng hawaan.
Sinabi naman ni Vergeire na very minimal ang bilang ng mga kaso ng mga pumapasok na bata na nagkakasakit. PAUL ROLDAN