DALAWANG indibidwal na nag-excel sa kani-kanilang larangan ang magiging malaking bahagi ng San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Awards Night sa Diamond Hotel.
Sina cager June Mar Fajardo at booter Sarina Bolden ay pararangalan bilang Mr. Basketball at Ms. Football, ayon sa pagkakasunod, ng pinakamatagal na media organization sa bansa, na pinamumunuan ng presidente na si Nelson Beltran, sports editor ng The Philippine Star.
Ito ang ika-6 na pagkakataon sa huling pitong taon na gagawaran si Fajardo ng parehong parangal sa traditional awards night. Ang kanyang limang sunod na award ay pinutol noong nakaraang taon ni Scottie Thompson ng Barangay Ginebra.
Samantala, igagawad naman kay Bolden ang award sa ikalawang sunod na pagkakataon.
Gaganapin sa January 29, ang formal event ay itinataguyod ng 24/7 sports app ArenaPlus, habang major sponsors ang Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, PLDT/Smart, Cignal, and MILO. It is also backed by the Philippine Basketball Association, 1-Pacman Partylist Rep. Mikee Romero, Premier Volleyball League, at Rain or Shine.
Pinangunahan nina Fajardo, 34, at Bolden, 27, ang kampanya ng Philippine teams sa major international meets noong 2023.
Ang 6-foot-10 San Miguel Beer center ay nasa Cambodia bilang bahagi ng Gilas Pilipinas team na matagumpay na nabawi ang basketball gold sa 32nd Southeast Asian Games.
Pagkalipas ng tatlong buwan, si Fajardo at ang Philippine team ay naglaro sa harap ng local basketball fans sa FIBA World Cup, kung saan naging co-host ang bansa kasama ang Japan at Indonesia. Nabigo ang Gilas na umabante sa knockout stage, subalit nakuha ang isa sa tatlong Asian berths sa FIBA Qualifying Tournament sa 2024 Paris Olympics.
Ang 6-foot-10 na produkto ng University of Cebu ay gumanap din ng mahalagang papel sa hindi inaasahang pagwawagi ng koponan ng gold medal sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China na tumapos sa 61 taong paghihintay para mabawi ang basketball supremacy sa rehiyon.
Bilang karagdagan, nakopo rin ni Fajardo ang record seventh Most Valuable Player (MVP) Award sa PBA.
Samantala, si Bolden ay nananatiling mukha ng women’s Philippine football.
Ang dating Loyola Marymount University star ay key player sa Filipinas football team na gumawa ng kasaysayan sa debut nito sa FIFA Women’s World Cup sa New Zealand at Australia.