NITONG nakaraan ay inilabas ng Philippine Institute of Development Studies (PIDS) ang isang pag-aaral na pinangunahan ng isang sikat na ekonomista na si Roehlano M. Briones tungkol sa mga implikasyon ng Globalisasyon sa Filipinas. Ibang klaseng globalisasyon na ang tinutukoy rito dahil ibang klase na rin ang teknolohiya at ang impluwensiya nito sa ating araw-araw na pamumuhay, ekonomiya at lipunan.
Hindi natin maikakaila na malaking parte ng buhay natin ang teknolohiya sa komunikasyon, sa transportasyon, sa ating kalusugan, maging pag-order ng pagkain, mga mahahalagang dokumento, serbisyo at kung ano-ano pa.
Bihira ngang makakilala ng taong walang Facebook. Sabi ni Mark Zuckerberg, isa sa layunin kung bakit nabuo ang facebook ay para pagbuklurin ang mga komunidad. Ngunit ito na rin mismo ang dahilan kung bakit tayo watak-watak. Naging mekanismo na ang teknolohiya sa panloloko ng kapwa, pagtatalo ng ideolohiya at pagkakaroon ng iba’t ibang grupo. Ayon sa mga pag-aaral, nasa panahon na tayo na may tinatawag na information warfare, kung saan ginagamit ang impormasyon hindi lang bilang propaganda ngunit bilang sandata upang magpabagsak o magpalago ng ekonomiya, ng gobyerno, ng institusyon o ng sinumang tao. Talamak talaga ang fake news at hindi lahat ng trending ay totoo. Hindi rin lang araw-araw na pamumuhay natin ang naaapektuhan nito, kundi ang ating ekonomiya.
Naapektuhan ng fake news o misinformation ang ating ekonomiya sa pamamagitan ng ating pagkakawatak-watak. Mahalaga ang pagkakabuklod-buklod para sa ekonomiya. Dahil sa teknolohiya ay nabawasan ang ating tiwala sa mga institusyon. Gaya na lamang ng nangyari sa Dengvaxia na biglang marami sa atin ang hindi naniwala sa payo ng doktor at mga advisory ng Department of Health. Ang naging resulta nito ay outbreak ng measles, dengue at ngayon ay pagbabalik ng polio. Dahil dito, tataas ang ating healthcare costs dahil sa naging bunga ng misinformation. Kung nakinig lang sana tayo sa mga eksperto at institusyon.
Nalaman din sa pag-aaral na kung noon ay mas naniniwala tayo sa mga pahayag ng awtoridad o mga institusyon, mas naniniwala na raw tayo ngayon sa ating employer kaysa sa mga non-government organization, business institution, gobyerno at media. Ibig sabihin, dapat maging mapanuri tayo, lalo na ang mga boss o mga manager sa trabaho sa mga impormasyon na ating ibinabahagi. Mas nagiging kapani-paniwala at mas nagiging receptive na raw tayo kung ang impormasyon ay galing sa ating boss o manager sa trabaho.
Kung ganoon, malaki rin ang gagampanan ng mga employer sa pagtatama ng mga misinformation sa kanilang mga empleyado. Kaya mahalaga na tamang impormasyon rin ang natatanggap nila. Malaki ang gagampanan ng mga employer sa media literacy lalo’t sila rin ay may malaking bahagi sa ekonomiya. Kailangan din siguro, unang ligawan ng mga institusyon ang mga employer upang makatulong sila sa malawakang pagpapalaganap ng mga impormasyong makatutulong sa paglago ng ekonomiya. Talaga namang malaki ang potensiyal ng isang bansa kung magkasangga ang private sector at gobyerno.
Kung iisipin, malaki ang ilalago ng ating ekonomiya sa globalisasyon kung tayo ay pinagbubuklod ng tamang impormasyon at tamang paggamit ng teknolohiya. Kumbaga, tama ang napuna nina Briones na dapat na ilagay natin sa kaayusan ang pagkonsumo ng impormasyon at teknolohiya.
Ilan sa mga rekomendasyon ng pag-aaral ay magkaroon ng isa sa mga pinakamabisang paraan upang matigil na ang pagkalat ng maling impormasyon at fact checking. Maging gawain nating lahat na i-verify muna kung totoo at tama ang impormasyong ating tinatanggap lalo kung ito ay ating ise-share. Tunay ring magiging malaking tulong kung paiigtingin ang media literacy sa mga trabaho at paaralan. Kinakailangan na maging agresibo na tayo sa fact checking lalo na’t mas kinokonsumo na raw natin ang social media kaysa sa traditional media dahil sa kawalan ng tiwala sa traditional media na pagmamay-ari ng mga kilalang tao na may politikal ding motibo.
Hinihikayat din ng pag-aaral ang mga employer na makiisa sa pagbabalik ng tiwala ng tao sa mga impormasyon galing sa mga institusyon ng gobyerno. Ngunit napakahalaga na pag-aralan muna nila ang kanilang mga posisyon sa iba’t ibang isyu ng lipunan dahil malaki at epektibo ang kanilang impluwensiya sa mga tao sa paligid nila.
Kung iisipin, napakalaki ng potensiyal ng ating ekonomiya sa mga darating na taon. Ngunit maaari natin itong pabagalin o pabilisin kung tayo ay magiging buklod o watak-watak.
Ganoon kalakas ang kapangyarihan ng impormasyon sa atin na dapat tayo ang may kontrol. Hindi maliit na bagay ang fake news, kawalan ng kredibilidad ng mga institusyon, at mabilis na pagkalat ng impormasyon sa isang lipunang hindi agresibo na malaman ang totoo. Naaapektuhan nito ang ating ekonomiya at hindi lang ito responsibilidad ng ating pamahalaan dahil tayo mismo ay may kontribusyon kung bakit gumuho ang tiwala natin sa mga government institution.
Para sa komento, at suhestiyon maaaring mag-email sa [email protected] or magmensahe sa FB: Mon Ilagan Account Two.
Comments are closed.