PINASUSUSPINDE ni Deputy Minority Leader Harlin Neil Abayon III sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagpapatupad ngayong Biyernes ng taas pasahe sa mga bus at jeepneys.
Kasunod ng rekomendasyon na ito ay nagpatawag si Abayon ng emergency meeting kasama ang LTFRB at mga opisyal ng Department of Transportation.
Inirekomenda ng Kongresista na sundin muna ng LTFRB ang suhestiyon ng DOTr na repasuhin muna ang ginamit na parametric formula para sa fare-hike upang mas maging maayos ang adjustment sa pamasahe ng bus at jeepneys.
Hinikayat din nito ang LTFRB na ikonsidera ang pagbaba ng presyo ng langis sa world market na isa sa isinusulong na dahilan ng DOTr para ipatigil muna ang taas ng pamasahe sa PUVs.
Pinaglalabas din ng resolusyon ang LTFRB kasunod na rin ng panawagan na suspensiyon sa taas pamasahe.
Nauna rito, inaprubahan ng LTFRB ang petisyon ng mga transport group na itaas sa P10 mula sa dating P9 ang pamasahe sa jeep, P11 mula sa P10 na taas pamasahe sa ordinary bus habang P13 mula sa P12 na pamasahe naman sa air-conditioned bus.
Kaugnay rin nito, inabisuhan naman ng LTFRB ang mga mananakay na “no fare guide–no fare increase” kapag hindi nakapaskil ang bagong fare matrix sa mga public utility jeepney at public utility buses.
Ito ang iginiit ni Atty. Aileen Lizada ng LTFRB dahil sa wala pang PUJ operator ang nakabayad at nagproseso ng kanilang application for fare hike.
Aniya, dapat muna magbayad ang mga PUJ operator ng P520 bawat Certificate of Public Convinience (CPC) para sa fare hike plus P50 bawat unit para sa fare guide, ibig sabihin nasa kabuuang P570 ang babayaran sa bawat isang PUJ unit.
Para sa buses naman, provisional ang pamasahe kaya P50 per unit ang bayad.
Sa ngayon may ilang provincial buses operator na ang nag-process ng kanilang application pero hindi pa lahat.
Sa datos ng LTFRB ang estimate number ng PUJ sa central office ay nasa 10,000 units, habang dito sa NCR ay nasa 45,000. CONDE BATAC
Comments are closed.