FARE HIKE SA UV EXPRESS

UV EXPRESS

HUMIHIRIT na rin ng dagdag-pasahe ang mga operator ng UV Express.

Sa kanilang petisyon, hini­ling ng Coalition of Operators and Drivers of UV Express (CODEX) sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang P1 per kilometer provisional increase sa pasahe.

Ang kahilingan ay ginawa ng mga operator kasunod ng pagpayag ng LTFRB sa dagdag-pasahe sa mga jeep.

Ayon kay CODEX president Rosalino Marable, apektado na rin sila ng pagtaas ng presyo ng diesel kung saan nabawasan na ng halos kalahati ang kita ng mga driver ng UV Express.

Anila, kagaya ng mga jeepney, dama rin nila ang pagmahal ng mga produkong petrolyo.

Kung ipagkakaloob, ang kasalukuyang P24 pasahe para sa 12-kilometer Pasig to Quiapo route ay tataas ng P12 sa P36.

“Kung aarukin nila ang dahilan sa aming paghingi ng pagtaas ng pasahe, siguro po maiintindihan nila dahil lahat na po tumaas,” wika ni Marable.

Paliwanag niya, linggo-linggo ay tumataas ang presyo ng diesel at tumataas din ang presyo ng ibang bilihin kaya nahihiya man sila ay napilitan na, aniya, silang humingi ng dagdag sa pasahe.

Bukod dito ay hiniling din ni Marable sa pamahalaan na isama ang mga driver ng UV Express sa Pantawid Pasada Program kung saan ang mga jeepney operator ay makatatanggap ng P5,000 fuel subsidy ngayong taon at P20,515 sa susunod na taon.

“Binigyan sila ng piso (one-peso increase), bibigyan pa sila ng pantawid. Siguro naman makatarungan lang na idamay ‘yung UV Express sa Pantawid Pasada na ‘yon,” dagdag pa niya.

Comments are closed.