IGINIIT ng isang Catholic bishop na dapat unahin ng pamahalaan ang sektor ng pagsasaka upang maiwasan ang “food crisis” at pag-aaklas ng magsasaka dahil sa epekto ng Rice Liberalization Law.
Ang mga magsasaka ang pangunahing apektado sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin lalo’t umaasa lamang sila sa pagsasaka.
Nagpahayag ng pagkadismaya si Marawi Bishop Edwin Dela Peña sa mistulang patuloy na pagbalewala ng mga opisyal ng pamahalaan sa sektor ng pagsasaka na siyang bumubuhay sa Filipinas at nagbibigay pagkain sa mga Filipino.
Ikinalulungkot ni Dela Peña ang kasalukuyang kalagayan ng mga magsasaka sa Filipinas na nahaharap sa matinding hamon at pasanin.
“I’m so disappointed about it kasi parang nalimutan nilang ang backbone ng ating ekonomiya ay ang agriculture,” ani Dela Peña, sa panayam ng church-run Radio Veritas.
Ang pahayag ng Obispo ay kaugnay sa hinaing ng mga magsasaka sa mababang farm gate price ng palay na P7 lamang kada kilo, sa ilang bahagi ng bansa partikular sa Central Luzon na tinaguriang ‘rice granary’ ng bansa.
Pinuna rin ng Obispo ang mga usaping tinatalakay ng pamahalaan at ng mga mambabatas, subalit hindi nakikitaan ng pagkabahala sa kalagayan ng sektor ng pagsasaka.
Iginiit ng mga grupo ng magsasaka tulad ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Amihan at Bantay Bigas na ang mababang presyo ng palay ay dulot ng pagsabatas ng malayang pag-aangkat ng bigas sa ilalim ng Republic Act 11203 o ang Rice Liberalization Law.
Nauna nang hinamon ni Cabanatuan Bishop Sofronio Bancud ang administrasyon na tulungan at sagipin ang mga magsasaka na lubhang apektado ng Rice Tariffication law o ang pagdagsa ng imported na bigas sa bansa.
Dahil dito, binigyang-diin ni Bishop Dela Peña na nararapat bigyang tuon ito ng pamahalaan upang makahanap ng mga hakbang na makatutulong sa mahigit 2 milyong magsasakang apektado ng imported rice surplus sa bansa. ANA ROSARIO HERNANDEZ