FAT-BURNING FOOD

FAT BURNING

MARAMI sa atin ang hindi mapigil ang kumain. Habang pinipigilan din kasi natin ang ating sariling kumain, lalo lang tayong napakakain ng marami. Lalo lang tayong naghahanap ng mangunguya. Kumbaga, lalo lang tayong nakadarama ng gutom.

At sa kakakain natin nang kakakain, nariyang lumalaki o bumibigat na tayo. Napapansin na lang natin kapag hindi na magkasya ang ating dress o pants.

Sabagay, mahirap nga din namang pigilan ang sarili dahil nagi­ging mayayamutin tayo o maiinisin. Hindi tayo napapalagay kapag gutom o kumakalam ang ating tiyan. May ilan ngang tila naghahanap ng away kapag nag-aalburoto ang sikmura.

Hindi naman masama ang kumain. Importante ang pagkain sapagkat ito ang nagbibigay sa atin ng lakas sa buong araw na pagtatrabaho natin. Ngunit hindi rin lahat ng pagkain ay swak sa ating kalusugan. Mayroong nakasasama. Kaya’t dapat ay maging maingat tayo sa ating kahihiligan.

At kung may mga pagkaing nakatataba, mayroon din namang maituturing na fat-burning o nakatutulong upang maibsan ang mabigat nating timbang. At ilan sa mga pagkaing iyan ang sumusunod:

ITLOG

Sa umaga ay madalas nating nakikita sa hapag ang itlog. Swak na swak din kasi itong pang-agahan. Napakadaling lutuin at napakaraming benepisyo sa katawan.

At isa rin sa benepisyong dulot ng itlog ay nakababawas ito ng timbang o nakapapayat dahil sa taglay nitong choline. Ang choline ang isa sa maituturing na major-fat-burning nutrient.

LIGHT TUNA

Isa pa sa puwedeng kahiligan na walang kasing sarap ay ang light tuna.

Nakatutulong din ang naturang pagkain upang mabawasan ang timbang dahil sa taglay nitong docosahexaenoic acid (DHA).

Lean protein ang tuna kaya’t hindi ka mag-aalalang kainin ito.

BLACK RICE

Marami sa atin ang hindi nabubusog kapag walang rice ang kinakain. Mahirap nga namang mabusog nang puro ulam lang.

Ngunit isa ang rice sa nagiging dahilan kaya’t hirap na hirap tayong pagkasyahin ang ating pantalon lalo na kung hindi maawat ang pagkain natin nito.

Sabi nga, lahat ng bagay ay may paraan. Totoo iyon. Puwedeng-puwede ka pa ring mag-rice, black rice nga lang.

Mas marami ang taglay na antioxidants ng black rice. Bukod pa roon, mayroon din itong fiber, Vitamin E at less ang sugar.

Kaya’t hindi ka na mangangambang kumain. Iyon nga lang, dahan-dahan lang din sa pagkain. Tandaan na lahat ng sobra, nakasasama.

PEANUT BUTTER

Bukod sa kanin, mahilig din tayo sa palaman. Lalo nga naman sumasarap ang tinapay o crackers kung may palaman.

Dahil marami sa atin ang mahilig sa palaman, puwedeng-puwedeng subukan ang peanut butter lalo pa’t kasama ito sa fat-burning food.

Maraming puwedeng paggamitan ang peanut butter bukod sa palaman sa tinapay o crackers. Swak na swak din itong maging dip ng prutas gaya ng saging o kaya naman mansanas.

Nagtataglay ang peanut butter ng cholesterol-lowering mono­-unsaturated fats at great source ng plant-based protein.

KIMCHI

Kung may isa mang pagkaing tila hindi ko  magusto-gustuhan, iyan ang kimchi. Pero sa kabila nito, alam kong marami ang nahihilig sa naturang pagkain. At mukhang panahon na ring subukan o kahiligan ko ito dahil sa kagandahang naibibigay nito sa katawan.

Ang kimchi ay isang fermented food. Ang mga sangkap nito ay cabbage, radishes at scallions. Samantalang tinimplahan naman ito ng red pepper, salted shrimp o kelp powder.

Mataas ang level nito ng probiotics. Bukod pa roon, swak na swak itong pampa-slim.

DARK CHOCOLATE

Isa ang tsokolate sa masarap kainin. Ang matamis na lasa nito ay nakapagdudulot ng ngiti sa ating labi at pisngi.

Ngunit bukod sa nakapagpapasaya ang dark chocolate, nakapagpapa-boost din ito ng produksiyon sa ating katawan  ng gut-healthy  polyphenolic compounds gaya ng butyrate. Ang butyrate ay ang tumutulong sa katawan upang masunog ang taba.

Sa pagpili naman ng dark chocolate, siguraduhing ang cacao content nito ay 70 percent o mas mataas pa.

Masarap nga naman talaga ang kumain. Pero walang mas sasarap pa sa pagkain kung alam nating healthy ang ating kinakain. (photos mula sa foodrevolution.org, xbodyconcepts.com at futuredish.com)

Comments are closed.