HINDI sasama ang Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) sa 3-araw na malawakang tigil-pasada na magsisimula ngayong araw, Nobyembre 20.
Sa panayam sa Super Radyo dzBB, ipinaliwanag ni FEJODAP national president Jephraim Gochangco na nagpasya ang kanilang grupo na huwag sumali sa transport strike mula Nob. 20 hanggang 22 alang-alang sa mga mananakay na higit na maaapektuhan ng protesta.
“Hindi kami sasama sa darating na pag-aaklas. Paumanhin na po sa aming mga kasama sa hanapbuhay. Nakikisimpatiya rin naman kami sa kanilang mga hinaing, subalit nakapagpasya ang kabuuan namin na hindi kami sasabay sa pag-aklas dahil na rin sa pagpapasya namin at pag-aaral sa isyu na ‘to,” aniya.
Binigyang-diin niya na una nilang isinaalang-alang ang kapakanan ng mga mananakay.
Ikinasa ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston) ang 3-araw na nationwide transport strike bilang protesta sa public utility vehicle modernization program (PUVMP) ng gobyerno.
Layon ng PUV modernization program na nagsimula noong 2017 na palitan ang mga lumang jeepney ng mga sasakyan na may Euro 4-compliant engine upang mabawasan ang polusyon.
Gayunman, sa kabila ng magandang layunin nito ay mahigpit itong tinututulan ng mga driver at operator dahil sa sobrang mahal ng unit na aabot sa mahigit P2 million.
Bukod dito, iginiit nila na ang programa ay pumapabor lamang sa mga korporasyon at malalaking kooperatiba
Binigyang-diin ni Gochangco na tutol pa rin sila sa PUVMP ngunit sinabing patuloy silang makikipagdiyalogo sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan.
“Sinabi namin sa aming posisyon na daanin pa rin sa mahinahong pakikipag-usap sa ating pamahalaan. Sa tingin nila, ay napapakinggan naman dahil hindi naman kasi kami tumitigil sa pakikipag-usap sa ating Kagawaran ng Transportasyon,” dagdag pa niya.